Dear Tita Lits

March - April  2025 

Isabelita Manalastas-Watanabe

Mahal kong Tita Lits,

Pakiramdam ko, bigla akong naging bida sa isang soap opera—pero walang cut, walang director na sisigaw ng "Take 2," at lalong walang script na nagsasabing paano ko haharapin ang ganitong eksena.

Tatlong dekada akong naging asawa—hindi lang basta asawa, kundi isang tapat, maalaga, at pasensyosang kabiyak ng asawa kong Hapon. Inalagaan ko siya, sinuportahan, at minahal ng buong puso. Kung may loyalty card ang pagiging misis, baka lifetime VIP member na ako!

Kaya noong biglaan siyang pumanaw isang buwan na ang nakalipas dahil sa atake sa puso, parang natanggalan ako ng kalahating buhay. Sobrang sakit. Sobrang lungkot. Pero akala ko, iyon na ang pinaka-worst na mararanasan ko.

Mali pala ako.

Habang inaayos ko ang mga gamit niya, may nakita akong kahon ng lumang video tapes. Sa una, nakakataba ng puso. Ang daming masasayang alaala—mga bakasyon namin, kaarawan, simpleng araw na punong-puno ng pagmamahal. Napaiyak ako sa lungkot pero napangiti rin sa mga natitirang alaala niya. Hanggang sa may isang tape na walang label.

Pinindot ko ang play. Akala ko, isa na namang family video. Pero Diyos ko, kung alam ko lang, sana hindi ko na pinanood!

Ang asawa ko… Pero hindi ako ang kasama niya. Isang babae. Haponesa. Kilala ko siya. Hindi kami magkaibigan, pero hindi rin naman kami magkaaway. At ang mas masaklap? Hindi ito simpleng kwentuhan lang. Walang wholesome sa pinanood ko! Kung movie ito, siguradong Rated X!

Nanlamig ang buong katawan ko. Parang sinampal ako ng realidad. Ilang minuto akong tulala. Hindi ko alam kung sisigaw ako, iiyak, o isusumpa siya sa kabilang buhay. Para akong nabundol ng truck ng kataksilan!

Simula noong araw na iyon, wala na akong maayos na tulog. Kahit pilitin kong iwaglit sa isip ko, bumabalik ito gabi-gabi, parang horror movie na hindi ko matakasan. Ang tanong ko ngayon: paano ko ito ipoproseso?

Patay na siya. Hindi ko na siya mahaharap para tanungin. Wala nang pagkakataong humingi siya ng tawad. Naiwan akong nag-iisa, pasan ang bigat ng pagtataksil na hindi ko naman kasalanan.

Gusto ko siyang patawarin—hindi dahil deserve niya, kundi dahil gusto kong maging payapa. Pero paano ko mapapatawad ang isang taong hindi ko na makakausap? Paano ko ihihinto ang sakit na parang nakatatak na sa dibdib ko?

At paano naman yung babae sa tape? Dapat ko ba siyang harapin? Dapat ko bang itanong kung gaano katagal ito nangyari? Kung mahal ba nila ang isa’t isa? O baka naman matagal na rin niyang kinalimutan ang lahat at ako lang itong naiwan na pasan-pasan ang bigat ng lahat?

Sa totoo lang, gusto ko lang maging payapa. Hindi ko na mababago ang nakaraan. Hindi ko na rin siya mahuhusgahan pa. Pero paano ko kakalimutan?

Ano ang dapat kong gawin?

Lubos na naguguluhan,
Geraldine, Gunma-ken


PS: At ito pa—ano ang gagawin ko sa video tape? Itatapon ko ba? Sisirain? O dapat ko ba itong itago bilang ebidensya ng isang lihim na hindi ko naman ginusto? Pero para saan? Para kanino?

Dapat ko bang sabihin sa dalawang anak namin? Kung oo, paano? Gaano karaming detalye ang dapat kong ibigay? Deserve ba nilang malaman ang ginawa ng ama nila, o dapat ko na lang ibaon ito sa limot at hayaang manatili siyang mabuting ama sa alaala nila?

Dear Geraldine:

 

Wow!

Sobrang saludo ako sa iyo sa iyong pagiging tapat, maalaga, at pasensyosong kabiyak ng iyong asawang Hapon. Inalagaan mo, sinuportahan mo, at minahal mo ng buong puso bago siya sumakabilang buhay. Hindi ko naman alam ang inyong pisikal na relationship. Kasi, sa isang marriage, napaka-importanteng maging masigla ang sexual relations ng mag-asawa para maging mas matibay ang kanilang pagsasama.

 

May gusto din sana akong itanong na hindi mo nasabi sa iyong sulat. Kailan ang date ng unmarked video ng iyong pumanaw na asawa at saka ng kanyang lover na Haponesa? Mahalaga ito para ma-analyze natin ano ang iba pa niyang hinahanap sa babae. 

 

Bago ba kayo ikasal? If yes, fling lang niya iyon.

 

Habang matagal na kayong nagsasama as husband and wife? Pwedeng gusto lang niyang maging adventurous, maiba ang putahe, ika nga. Pero hindi ka naman niya pinabayaan at hindi ka naman niya iniwan at saka ang inyong mga anak.

 

Kahit ano ang naging dahilan, bakit ka magpapa-apekto pa? Kung buhay pa siya, as sus! Ako ang mag-a-advice na harapin mo siya, at ipamukha sa kanya ang kanyang pandaraya sa iyo. OK rin ding sampalin mo, at sampalin mo ng napakalakas, para magising sa katotohan at sa kanyang commitment sa inyong marriage.

 

Pero, Geraldine, pumanaw na siya! 

 

Natural siguro na hindi ka makatulog, na bothered ka pa. Pero hindi na siya makakaulit pa, di-ba? So patawarin mo na siya, at ipagdasal mo na bigyan ka ng strength ni Lord to forgive. Di-ba, kahit ang Diyos, ay nag-forgive sa lahat ng ating mga kasalanan at tinanggap niya na mamatay siya sa kurus para lang tayo maisalba?

 

Huwag mo ng sabihin sa mga anak ninyo. Let them continue to have good memories of their father. Wala namang kabuluhan na malaman pa nila, di-ba? Mas gusto mo bang maging hate nila tatay nila? As a loving mother, and also supportive of the happiness of your children, do not destroy the image they had all their lives sa kanilang tatay.

 

Iyon namang babae sa tape…  Ikaw. OK lang sa akin na yayain mo siya na magkita kayo. Siguro in a nice coffee shop na pwede kayong mag-usap with some privacy. Kung makakagaan sa iyong sakit sa dibdib na makita niya iyong tape, magpa-copy ka, at ibalot mo na parang “omiyage” sa  kanya bago kayo maghiwalay. Huwag mong awayin kapag nagkita kayo. Mas magiging masakit sa kanya na malaman niya later, kapag pinanood niya ang tape, na nagtimpi ka, naging disenteng babae ka, sa kanya. 

 

As to your original copy, nasa sa iyo kung gusto mong itago. Kung itatago mo, make-sure na you wrap and seal it, and make instructions to your children that upon your death, they will burn it, together with you when you get cremated. 

 

Kung namang hindi cremation, ipasama mo sa iyong kabaong, at kung magkita kayo sa next life ni taksil na hubby, doon mo na lang awayin at ibigay sa kanya, ang ebidensiya ng kanyang unfaithfulness. (Joke lang ito Geraldine, para lang mapatawa kita, at baka sakaling gumaan na ang iyong dibdib at makapag-patawad ka na).

 

Time will heal all your wounds, Geraldine.  So cool ka lang, OK?  You have your children to take care of, and to give your full attention no. Para maging very good sila, at maipag-malaki mo!

 

Nagmamahal,

Tita Lits



Dear Tita Lits

January - February 2025 

Isabelita Manalastas-Watanabe

Dear Tita Lits,


Ang matalik kong kaibigan, tawagan natin sa pangalan na Dina, na sampong taon ko nang kilala, ay madalas humiram ng mga damit ko. May pera naman siya at hindi pobre. Nagtitipid lang siguro at marami din siyang binubuhay sa Pinas. Tsaka, alam naman niyo na sa trabahong pang gabi, dapat laging iba-iba ang suot. Naintindihan ko naman po iyon kasi dati rin akong nagtrabaho sa gabi. Wala naman akong problema sa pagpapahiram, pero hindi niya naibabalik ang mga ito. Pagtagal at sa haba ng panahon, hindi na niya matandaan kung alin ang kanya o akin, kaya kapag hinihingi ko ang mga damit ko, naku po, sinasabi niyang sa kanya ang mga iyon.

Sinubukan ko na siyang tanggihan nang nanghiram siya ulit minsan pero dahil magaling siyang mag convince, ma-chika, ma-drama at siguro, dahil na rin sa sobrang kabaitan ko, napapapayag pa rin niya ako. Pinapahalagahan ko ang aming pagkakaibigan, kaya mas mahirap para sa akin na tumanggi. May paraan ba para mapahinto siya sa panghihiram nang hindi nasisira ang aming pagkakaibigan? Nauubusan na po ako ng damit at pasensya. Tulong, Tita Lits!


Linda

Roppongi, Tokyo

Dear Linda:

Pinahahalagahan mo ang inyong pagka-kaibigan ni Dina? Bakit?

Pinangangalagahan din ba niya? Mukhang hindi!

Kung magkaibigan kayo ng may sampung taon na, siguro naman, nakapasok ka na sa bahay niya, di-ba? Puntahan mo minsan, dahil kung nakalimutan na niya kung damit mo ang nasa closet niya, siguro naman, makikilala mo ang yong sariling damit, at kunin mo from her. Wala siyang karapatang pumalag dahil siguradong alam niya kung kanya o hindi ang mga kukunin mong mga damit sa closet niya.

May paraan para mapahinto siya ng panghihiram – HUWAG KA NG MAGPAHIRAM! Kung dahil dito, as masisira ang inyong pagkakaibigan, just let it be! Masira kung masira. Dina does not deserve your kindness. Alam niyang kaunting lambing lang sa kanya, nakakabola na siya sa iyo.

Ang pagkakaibigan ay two-way – hindi one way. Hindi iyong, “Ang iyo ay akin; Ang akin ay akin!”.

Pasensiya ka na Linda, napikon mo ako sa iyong sobrang pagka-naïve.

Kahanga-hanga ang kabaitan mo, pero dapat magising ka rin kung inaabuso na ang kabaitan mo.

Tita Lits