Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
November - December 2024
May mensahe sa Kansai International Aiport (KIX) para sa mga pasahero: bon voyage o “have a nice flight”. Ito ay nakasulat sa iba’t-ibang wika. Tulad din nito ang “welcome” message para sa mga dumarating sa isang international airport.
Ang nakasulat sa KIX sa Filipino ay ito: “Magkaroon ng magandang flight” – literal na pagsasalin sa “Have a nice flight.” Mas mabuti sana na “Maligayang biyahe” dahil mas magandang basahin.
Ang mensaheng “have a nice flight” ay nasa iba-ibang wika dahil ang mga pasahero sa isang international airport ay taga-iba’t-ibang bansa. Sa isang airport sila sandaling nagsasama-sama.
Bangkok
Ang salitang “hub” ay nakadikit na sa Bangkok mula pa noong 1980s. Napakaraming airlines ang dumadating sa Don Mueang airport (ito ang unang international airport ng Bangkok) araw-araw mula pa noong 1980s dahil nasa gitna ang Thailand ng mga iba’t-ibang rehiyon – Southeast. Northeast, South, Central at kahit West Asia. Kung pupunta ka sa Middle East (West Asia) o sa Europe, puwede kang mag-transit sa Bangkok mula Maynila.
Ang Thailand din ang sinabing “kitchen” ng Japan dahil sa napakaraming factories ng Japanese companies ang inilipat doon nung late 1970s hanggang 1980s. Mula doon sa factories sa Thailand, ini-export ang mga Japanese products (appliances, cars at electronic products) sa katabi at malalayong bansa.
Naging major conference center din ang Bangkok dahil nga ito ay “regional hub,” madaling puntahan dahil sa dami ng airlines na lumalapag doon. “Tourist machine” din ang tawag sa Thailand dahil sa galing nila sa pagtanggap ng mga turista dahil sa maayos na daan, sasakyan, tourist spots at mga resorts (dagdag pa rito ang medical tourism dahil sa pinagkakatiwalaan ang mga modernong ospital ng Bangkok).
Sinusulat ko ang artikulong ito habang uma-attend ako ng isang international conference sa Bangkok. Nagsama-sama sa international conference na ito ang mga taga-kung-saan-saang bansa para mag-usap tungkol sa tulong na ligal sa mga taong nangangailangan. Karaniwan na ang pagkakaroon ng mga international conferences na ito sa iba’t-ibang hotels sa Bangkok.
Pinoy Hub
Iniisip ko ang salitang “hub” tungkol sa mga Pilipinong nasa labas ng bansa. Sa mga bansang may mga Pilipino, kadalasang may komunidad ng Pilipino - pagsama-sama ng mga Pilipinong nasa parehong lugar. Minsan sa Hong Kong, may nakita akong isang beauty contest (isang tunay na tatak Pinoy na gawain) na “Miss Abra.” Sa US naman ay may mga grupo ayon sa kanya-kanyang bayan na nagdiriwang ng pista ng bayan.
Bagama’t meron ding mga ganitong grupo ng mga Pilipino, pag sinabing komunidad, ang mga Pilipino doon ay mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Bagama’t Filipino ang kadasalang salita, ang iba’t-ibang wika sa bansa ay malayang sinasalita ng mga Pilipino sa isang komunidad – Ilokano, Kapampangan, Pangasinense, Tagalog, Bicol, Waray, Bisaya, Ilonggo at iba pa.
Dagdag pa rito ang iba’t-ibang uri ng adobo, sinigang, dinuguan, humba, kinilaw, pakbet, sisig, arroz caldo, suman, at iba pa na niluluto sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas ay nagsasama-sama sa isang komunidad.
Marami pang iba’t-ibang bagay ang makikita sa mga komunidad ng Pilipino aa ibang bansa. Ito rin ang makikita sa komunidad ng mga Pilipino sa Kansai, at maaaring sa ibang bahagi din ng Japan.
Komunidad
Sa aking mensahe sa pagdiriwang ng Migrants’ Day sa Matsusaka-shi sa Mie-ken nitong Setyembre, meron akong tanong: Kung ikaw ay maglalakbay, saan ka tutuloy?
Hindi ko tinutukoy ang bahay na tutuluyan. Tinutukoy ko ang tutuluyan sa lugar na kanilang titigilan. Kung ang lugar na iyong titigilan dahil sa trabaho ay may komunidad ng mga Pilipinong, hindi ba ito ang iyong tutuluyan?
Ang komunidad na ito ay maaaring sabihin nasa isip lamang – hindi isang bagay na makikita. Halimbawa, ang mga Pilipino ay sasabihing kailangang may representative sa isang council o komite sa local government sa Japan, hindi ibig sabihin ay nagmeeting ang lahat ng mga Pilipino na nasa isang city o town at nagdecision kung sino ang kanilang representative. Ang sinasabi lang ay kailangang may isang Pilipino na magre-represent ng mga Pilipino bilang isang komunidad.
May mga komunidad naman na parang asosasyon – may mga members. At dahil dito, hindi lahat ng mga Pilipino na naninirahan sa isang lugar ay members. Bilang asosasyon, may kani-kanilang gawain – may para sa cultural activities (sayaw, kanta), may para sa relihiyon, at para sa iba pang layunin.
Kaya ang tinatawag na FilCom (Filipino Community) sa Japan ay may iba’t-ibang katangian. May malaki, may maliit; may mga activities (Christmas party, Independence Day celebration, picnic, fund-raising, religious activities, undokai, pagtulong sa kapwa Pilipino sa Japan, at iba pa) o halos wala. Malaki ang kinalaman nito sa tinatawag na lider - founder o presidente.
Malaki din ang kinalaman ng mga members na masipag at may magagandang idea sa mga gawain ng komunidad. Hindi kayang maging masigla ang isang komunidad dahil lamang sa masipag na lider – ang masisipag na members ay may malaking bahagi.
Ang mga FilComs din ang nagiging partners ng Philippine Consulate sa activities na kanilang ginagawa para sa mga Pilipino tulad ng consular service missions sa mga lugar na malayo sa Tokyo, Nagoya at Osaka.
Pagiging hub ng mga Pilipino
May mga Pilipinong masaya na may natutuluyan sa kanilang lugar na pinuntahan sa Japan. Natutuwa sila na may mga Ate at Kuya na matatanungan tungkol sa mga bagay-bagay sa Japan. Natutuwa sila na may mga activities sa komunidad tulad ng Christmas party na ginagawa sa Pilipinas.
Hindi sila masyado nalulungkot sa Japan dahil sa komunidad na nasasamahan nila lalo na sa panahon ng Pasko at bagong taon.
Bagong Salta
Isa sa katangian ng isang komunidad ay ang uri ng mga taong sumasama. Sa ngayon, dumarami ang mga Pilipino na may working visa. Mga bata pa at nasa ilalim ng iba’t-ibang programa tulad ng sa JPEPA (Japan-Philippine Economic Partnership Agreement), Technical Intern Training Program, caregiving course, at SSW (Specified Skilled Worker) program.
Marami sa kanila ay may mga sariling propesyon bilang nurse, engineer at iba pa. Ibig sabihin, marami sa kanila ay well-educated.
Sila ay mga babae at lalake, at may iba’t-ibang trabaho sa ospital, caregiving institution, factories, agricultural and fishery farms at shipping companies. Dumarami sila, bagama’t mas marami pang katulad nila ang galing sa Vietnam, China, Sri Lanka, Indonesia, Nepal, at iba pang bansa.
Sila ay may konting alam sa nihonggo bilang requirement bago makapunta sa Japan o makapagtrabaho.
At sila ay mga techie – gamit ang smartphone – kaya’t maraming alam tungkol sa Japan. Mas malakas ang kanilang kontak sa bawa’t isa. Dito sa Kansai, alam ng mga mahilig sa sports (lalo na sa basketball) kung saan makakapaglaro at sino ang puwedeng makalaro. Ibig sabihin, hindi na sila isolated tulad ng dati.
Ito rin ang dahilan kung bakit makakahanap sila ng mga komunidad ng Pilipino sa lugar nila.
Ang kanilang pagsama sa mga komunidad ng mga Pilipino ay dagdag sa pagyaman at pag-unlad ng mga komunidad. Puwede silang magkaroon ng mahalaga at kailangang tungkulin sa komunidad na hindi magawa ng mga dati pang members.
Kumunidad bilang hub
Kung gugustuhin ng mga lider at members ng komunidad, puwedeng maging hub ang kanilang komunidad dahil sa pagsasama-sama ng mga Pilipinong may iba’t-ibang wika, kultura, trabaho, kakayahan at katangian.
Puwedeng tunay na maging representante ang isang komunidad ng diversity sa Pilipinas at mga kakaibang magagandang katangian ng bansa na ikabubuti ng mga Pilipino dito sa Japan.
Ang salitang “hub” ay nangangahulugan na malaya at may pagpapahalaga ang isang lugar sa pagsama-sama ng iba’t-ibang uri ng Pilipino bilang isang komunidad.
Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
September - October 2024
Pagkatapos kong magsalita sa isang international conference sa Osaka nung 1998, lumapit sa akin ang dalawang Pilipina na matagal nang naninirahan sa Japan na akala ay Japanese ako. Humanga daw sila sa galing kong mag-ingles. Natuwa sila ng malamang Pinoy pala ako.
Sa United Kingdom, pinuri ng isang British ang galing sa pag-ingles ng isang tao at nagtanong kung taga-saan siya. Dahil siguro iba ang kanyang balat, hindi puti, hindi maisip nung nagtanong kung bakit magaling siyang mag-ingles. Kataka-taka sa taong nagtanong na may mga taong magaling mag-ingles na mula sa ibang bansa.
Pagiging Citizen
Nakilala ko si Audrey Osler sa isang conference sa Taipei mahigit na sampung taon na ang nakalipas. Nagkwento na siya noon na siya ay isang British citizen na ang mga magulang ay Indian migrants mula Singapore.
Siya naman ay ipinanganak at lumaki sa United Kingdom.
Alam natin na ang United Kingdom ay dating colonial power na sumakop sa napakalaking bansa ng India (kasama pa ang teritoryo ng Pakistan at Bangladesh noon), at marami pang bansa tulad ng Malaya (magkasama ang Malaysia at Singapore), Burma/Myanmar at Hong Kong. Dahil dito, nakapagmigrate ang mga taga-India sa Malaysia at Hong Kong nang walang problema.
Marami sa mga taga-Hong Kong at Singapore ay nakaka-migrate sa United Kingdom. Ganoon din sa mga taga India, Pakistan, Sri Lanka at Bangladesh. Parang katulad din ito ng pagma-migrate ng mga Pilipino sa Amerika na dating sumakop sa Pilipinas.
Mukhang mabilis maging British citizen ang mga migrants, lalo na sa mga ipinanganak sa United Kingdom. At ito ang nangyari kay Aubrey.
No, where are you really from?
Naranasan ni Audrey ang tanong na “Where are you from?” sa mga puting British.
Nagtataka si Audrey kung bakit sa tagal na ng panahon, hindi pa rin yata alam ng ilang taga-United Kingdom na ang British citizens ay hindi lamang puti. Iba’t-ibang lahi mula sa mga sinakop na bansa ng United Kingdom, may lahi ng mga taga-South Asia, Southeast Asia, China, Pacific, Africa at iba pa, na matagal nang nagmigrate sa United Kingdom at British citizens na.
Kaya kung sasagot na may British accent si Audrey na taga United Kingdom siya, may kasunod na tanong “No, where are you really from?”
Ibig sabihin, sa mata ng ilang puting British, siya ay hindi dapat British.
Katulad na Karanasan
May katulad na karanasan sa Japan para naman sa mga Koreyanong dito na lumaki at naging Japanese citizens. Ito ay karanasan nung may pangalang Koreyano pa rin.
May isang Korean-descent na ipinanganak at lumaki sa Japan na nagsabi na siya ay nakakarinig pa rin ng comment na magaling siyang mag-nihonggo. Iniisip niya na napakahaba na ng kasaysayan ng mga Koreyano sa Japan mula pa nung sinakop ng Japan ang Korea nung 1910. Nguni’t hindi pa rin nila alam na maraming Korean-descent sa Japan na dito ipinanganak, nag-aral at lumaki at kaya tulad na sila sa mga Hapones sa pagsasalita ng nihonggo.
Maraming Koreyano ay dinala sa Japan dahil kulang sa mga trabahador, at may mga naging sundalo pa ng Japan nung panahon ng giyera (ayon sa mga pag-aaral ay maraming Koreyano ang nag-volunteer na maging sundalo ng Japanese military). Naging Japanese citizens sila. Nguni’t binawi ang Japanese citizenship kaya may mga umuwi sa South at North Korea.
Kahit may ganitong kasaysayan, hindi pa rin nawawala sa isip ng ilang Japanese na ang mga Koreayano sa Japan, na dito na ipinanganak at lumaki at nagkaroon na ng Japanese citizenship, ay bisita lang. Bisita pa rin sila hanggang ngayon kaya hanga sila kung matatas silang mag-nihonggo.
Ibang uri ng citizenship
Malamang na ang karanasan ni Audrey ang nagtulak sa kanya para mag-research at magsulat tungkol sa concept ng citizenship. Sa isip niya, sa imbes na limitadong concept ng citizenship, dapat ay cosmopolitan citizenship. Ibig sabihin ay bahagi ang mga tao kahit anuman ang lahi, kultura o status (citizen o hindi citizen) ng lipunan.
Ito ang kanyang ibinibida sa mga pagsasalita niya sa mga conferences.
Nitong Setyembre 4, 2024, sa Seoul, ay nagsalita siya bilang keynote speaker sa isang international conference. At inulit niya ang kanyang mensahe na mas mabuting isipin ang citizenship na hindi nationalist kundi cosmopolitan.
Mahalaga na kasama ang sinuman sa lipunan at kaya kasali ang lahat sa paggawa ng mga bagay-bagay at pag-uusap.
Libro
Sumulat si Audre ng libro na may pamagat na Where are you from? No, where are you really from? Dito niya ikinuwento ang kasaysayan ng kanyang pamilya na nagmigrate mula India papuntang Malaysia, tapos Singapore at pinakahuli ay sa United Kingdom.
Sinulat din niya na maraming puti sa United Kingdom ay may lahing Indian. Dahil dito, ano kaya ang isasagot nila kung sila ay tanungin ng “Where are you really from?”
Maraming Hapones a may dugong hindi-Hapones. Maaaring mukha silang Hapones, pero may iba pa ring lahi ang mga ninuno na dumating sa Japan bago pa ang giyera. Interesado din kaya silang alamin ang kanilang mga ninuno na hindi Hapones?
Dahil pareho kaming nasa international conference sa Seoul, binigyan niya ako ng kopya ng libro na may signature niya.
Nagkita na kami ni Audrey ng ilang beses sa Osaka, dahil may mga invitation siya na magsalita sa iba’t-ibang universities sa Japan.
Masaya kami palagi sa pagkikita – puno ng biruan at usapan ng mga karanasan na dulot ng aking pagiging isang migrant sa Japan at pakikihalubilo sa mga tao mula sa iba’t-ibang bansa.
Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
July - August 2024
Muling bumalik sa Nara ang aming pagsasama-sama sa pagdiriwang ng Pambansang Kalayaan. Dalawa lamang ang komunidad ng mga Pilipino sa Nara prefecture – at nagsasama-sama kami minsan lamang sa isang taon para magdiwang.
Para sa 2024, nagsimula ang programa ng pagkanta ng pambansang awit kasabay sa video ng kanta. Nung magsalita ang Catholic Sister na taga-India na naka-assign sa Filipino communities sa Nara, nasabi niya na napapaluha siya habang pinapanood ang video. Naalala daw niya ang kanyang sariling bansa na naging malaya din sa pananakop ng makapangyarihang bansa.
Sabi niya na natatamasa natin ang kalayaan dahil sa sakripisyo ng ating mga ninuno – may mga namatay sa kanila dahil sa pagpupunyagi ng pambansang kalayaan.
Ano ang Kalayaan?
Madalas na nasa isip natin na ang pambansang kalayaan ay may anyong pulitikal. Ito ang paglaya sa panunupil ng ibang bansa. Ang rebolusyon nung 1898, at ang paglaban sa giyera nung 1942 hanggang 1945 ang mga imahe ng kalayaan. Nung 1986, ibang uri naman ang paglaban, mapayapang paglaban sa mapanupil na pamahalaan.
Nguni’t yun lang ba ang kalayaan?
Tama na ba yun? Nakamit na ba talaga natin ang lubusang pambansang kalayaan? 126 na taon na ang lumipas mula nung magkaroon tayo ng pambansang kalayaan.
Hindi ba magandang isipin na ang pambansang kalayaan natin ay nagdulot ng ating pagsisikap na gawing maginhawa ang buhay ng bawa’t isang Pilipino sa araw-araw? Ito ay paglaya natin sa ating mga pambansang problema.
Pagbangon
Minsan, sa isang pag-uusap, nagsabi ang isang matandang Hapones na makakain niya ang kahit anumang pagkain dahil ipinanganak siya pagkatapos ng World War II. Yun ang panahon ng paghihirap matapos ang giyerang sumira sa ekonomiya ng Japan.
Sabi naman ng aking biyenan, nung matapos ang giyera, lahat ng mga Hapones ay sama-samang nagsakripisyo para maibangon muli ang bansa.
Ibig sabihin, ang mga tao mismo ay may malinaw na kaisipan na kailangan nilang tulungan na lumakas muli ang kanilang bansa. Kaya nakatutok sila sa pagpapalago ng ekonomiya na natupad pagkatapos lamang ng 15 taon. Nung dekada ng 1960s, balik na ang sigla ng ekonomiya ng Japan.
Naalala ko tuloy yung 1997-1998 financial crisis. Sa Seoul, may “IMF menu” sa mga restaurants. Ito ay pagkain na mura at simple. Ito ay kailangan bilang tugon ng mga may restaurant sa mga taong nahihirapan dahil bumagsak ang ekonomiya ng Korea dahil sa financial crisis. May mahigpit na utos ang International Monetary Fund (IMF) na dapat sundin ng pamahalaan ng Korea bilang kondisyon sa utang na ibinigay para makabalik sa dating sigla ng ekonomiya. Dahil sa IMF, may “IMF menu.”
Ganun din sa Thailand na nabalita sa dyaryo na ibinibigay ng mga tao ang kanilang ginto sa pamahalaan para makabangon sa financial crisis. Nagkulang ang pera ng pamahalaan dahil sa financial crisis kaya gusto nilang tumulong.
Sa mga halimbawang ito, malakas ang pag-iisip ng mga karaniwang mamamayan na kailangang magtulungan para sa pambansang kagalingan.
Kung tayo ay may mapayapang pagpapalit ng pamahalaan nung 1986, ang mga tao sa Japan, Korea at Thailand ay may mapayapang pagtulong sa pagbangon ng buong bansa.
Sa aking pananaw, ang pag-iisip na ito ng mga karaniwang mamayan ay simbolo ng kalayaan – kalayaang makakilos kung ano ang kailangan, kahit sakripisyo – para maibangon ang bansa.
Pagiging Malaya
Sa dalawang beses na mensaheng aking ibinigay sa magkasunod na taon ng pagdiriwang ng pambansang kalayaan sa Osaka, iisa ang aking sinasabi – pag-unlad, pag-unlad. Ang ating dapat harapin ay kung paano uunlad ang bansang Pilipinas tulad ng mga karatig bansa sa Southeast Asia – Thailand, Malaysia at Vietnam.
Sinabi ko sa aking mensahe sa taong kasalukuyan (2024) na kailangang ang pambansang kalayaan ay nararamdaman at nakikita sa ating araw-araw na buhay.
Sinabi ko rin na ang pambansang kalayaan ay hindi makahulugan kung kulang ang kaunlaran.
Napakaraming taon na ang lumipas nung magbuwis ng buhay ang ating mga ninuno sa pakikipaglaban para sa kalayaan.
Ang tanong ay: ano ang ginawa natin sa kalayaang nakamit?
Maayos na ba ang kalagayan sa buhay ng nakararaming Pilipino?
Marami nang pagbabago sa Pilipinas nguni’t pinag-uusapan pa rin ngayon kung paano mababawasan ang mga Pilipinong gutom.
Nagkaisa na ba tayo para mapaunlad ang bansa na kapantay ng pag-unlad sa mga karatig na bansa?
Karaniwang Mamayan
Bilang karaniwang mamayan, nararamdaman at nakikita na ba natin sa araw-araw na buhay ang ating kalayaan? Malaya na ba tayo sa hindi magandang lakaran sa pulitika, negosyo at ekonomiya?
Napapailing pa rin ba tayo pag umuuwi sa Pilipinas at nakakaranas ng hindi maayos na palakad sa mga upisina ng pamahalaan o pribadong kompanya?
Nag-aalala pa rin ba tayo na ang kapalit na peso ng isang lapad na Yen ay ubos na sa isang iglap lang?
Ang mapayapang nilalabanan sa araw-araw ng karaniwang mamayan ay ang hindi maayos na pamamalakad sa ating lipunan. Bagama’t malaki na ang pagbabago sa negosyo at pamumuhay sa Pilipinas (kahit yung sinasabing mahirap ay may smartphone na rin), paano mabibigyan ng sapat na trabaho ang marami sa ating mga kababayan na makakasuporta sa matagalang maginhawang buhay?
Nararamdaman natin ang bigat ng tanong na ito dahil sa ating pamilya sa Pilipinas na ating sinusuportahan mula sa ating pagod sa pagtatrabaho dito sa Japan.
Pag-unlad
Mabuting gayahin natin ang ibang bansa sa kanilang pag-unlad. Mabuting ito ang laban para sa ating pambansang kalayaan – kalayaang nararamdaman ng karaniwang mamayan sa araw-araw.
Ito ang pag-unlad na pinapanaginip ng mga taong palaging mababa ang sweldo sa trabaho o kita sa negosyo. Kailangan natin ng pag-unlad ng lahat, hindi iilan. Ito ay tinatawag na inclusive growth na hindi lang sa ekonomiya kundi pati sa ibang bahagi ng buhay.
Tuloy-tuloy na pambansang pag-unlad ang mag-aahon sa kahirapan ng malaking bahagi ng ating lipunan. Deka-dekadang pag-unlad ang kailangan ng bansa – kailangang palaki nang palaki ang pag-unlad upang mahila pataas ang mga nasa baba sa lipunan. Ganyan ang karanasan ng ibang bansa sa Asya.
Meron tayong kasabihan – ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan. Sa ating kalagayan sa ngayon, hindi lamang kalingkingan ang masakit kundi ang malaking bahagi ng katawan.
Kaya ang pag-unlad ng mga naiiwan sa lipunan ang dapat pagtulungan.
Dito magiging tunay na malaya at iginagalang ang isang bansa.
Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
May - June 2024
May bagong version ang pelikulang “Shogun” base sa nobela ni James Clavell na lumabas nung 1975. Ang unang pelikulang “Shogun” ay ginawa nung 1980 at si Toshiro Mifune ay isa sa bidang actor. Sa bagong version na ito, si Hiroyuki Sanada naman ang bidang actor na Hapones. Ang pangalawang pelikulang ito ay hindi lang ito isang Hollywood film kundi isang Japanese film din. Dahil dito, sinikap ng mga Japanese na kasama sa paggawa ng pelikula na mailabas ang tunay na kalagayan ng Japan nung 17th century.
Ayon sa mga promotional materials ng bagong “Shogun,” maraming mahahalagang kaisipan ang isinama sa pelikula.
Ang isa ay tungkol sa 3 puso ng isang tao. Ito ang sabi sa trailer ng bagong “Shogun:”
“Every man has 3 hearts. One in his mouth for the world to know. Another in his chest just for his friends. And a secret heart, buried deep, where no one can find it.”
Ang main actress na si Anna Sawai ay meron ding gustong mangyari sa pelikula. Sabi niya: “I didn't want it to be another depiction of Japanese women being sexualized by white men.”
Si Anna Sawai ay ipinanganak sa New Zealand at tumira doon ng 3 taon. Tumira din siya sa Hong Kong ng 2 taon. At bago siya umuwi sa Japan nung siya ay 10 taon na, tumira muna siya sa Pilipinas ng 5 taon.
Ang mga producers ng “Shogun” ay nagsabi rin ng ganito:
“Care was taken to include the Japanese characters’ perspectives and to ensure a level of cultural and historical authenticity that should be expected from a proper jidaigeki — a Japanese period drama.”
Ang mga mensaheng ito ay tungkol sa puso ng tao, stereotype, pananaw ng pelikula at pagiging authentic sa kasaysayan at kultura ng Japan.
Mensahe ng Kapihan at Talakayan sa Kansai
Ginamit ko ang mga mensaheng ito ng mga taong kasama sa “Shogun” sa pagpapaliwanag ng layunin at mensahe ng “Kapihan at Talakayan sa Kansai” na ginaganap halos taon-taon sa Osaka ng Philippine Community Coordinating Council.
Sinabi ko na layunin ng Kapihan na maantig ang “ikatlong puso” ng mga Hapones. Layunin ng Kapihan na mapasok yung “ikatlong puso,” ang pinaka-ilalim at pinakaloob ng katauhan ng mga Hapones, upang magkaroon sila ng mas maayos na pag-unawa sa mga Pilipinong naninirahan sa Japan.
Layunin ng Kapihan na masolusyunan ang stereotyping ng mga Pilipino dito sa Japan. Merong image ang Pilipino sa Japan na isang dimension lamang at tungkol sa kababaihan.
Isa pang layunin ng Kapihan ay mailabas ang pananaw ng mga Pilipino sa kanilang kalagayan dito sa Japan. Dapat malaman ng mga Hapones ang kaisipan ng mga Pilipino tungkol sa kanilang pamumuhay sa Japan. Ano ang gusto nating ipahiwatig sa mga Hapones?
At panghuli, layunin ng Kapihan na magkaroon ng “cultural and historical authenticity” sa mga pag-uusap, mga pahayag, mga artikulo o documentation ng buhay ng mga Pilipino sa Japan.
Sino ang mga Pilipino?
Sino ang mga Pilipino sa lipunang Hapones? Ano ba ang kanilang bahagi sa lipunang Hapones? Ano ang kanilang contribution sa lipunang Hapones?
Marami ang sagot sa mga tanong na ito. Hindi tamang may isang image lamang ang mga Pilipino sa Japan.
Ang mga Pilipino sa lipunang Hapones ay mga
- Magulang ng mga batang Hapones. Sa ngayon, may ilan sa kanila ay mga Lola at Lolo na ng mga batang Hapones
- Asawa ng mga Hapones
- Anak ng mga Hapones
- Katrabaho ng mga Hapones
- Teachers ng mga Hapones mula pre-school hanggang university
- Kapartner sa negosyo ng mga Hapones
- Manggagawa sa mga factories ng mga Hapones
- Caregivers ng mga Hapones
- Estudyante sa mga paaralan ng mga Hapones
- Artists na iba’t-ibang uri
- Empleyado sa mga upisina ng mga Hapones
- Kasama sa pananampalataya ng mga Hapones. Ang ilan ay mga misyonero (pari at madre, pastor at pastora) sa mga simbahang Kristiyano ng mga Hapones
- Entertainers para sa ilang Hapones.
Ang Pilipino ay hindi mabilis makita sa lipunang Hapones dahil marami sa kanila ay bahagi ng mga pamilyang Hapones bilang asawa, magulang, anak, biyenan at manugang.
Dahil sa maraming Pilipino ay kasama sa pamilyang Hapones, malaki din ang pagkakaiba nila sa mga Koreyano, Chinese at Brazilians na marami sa kanila’y may pamilyang purong Koreyano, Chinese at Brazilian.
Habang may China town at Korea town sa malalaking siyudad (Tokyo, Kobe, Osaka), wala tayong Filipino town.
Iba ang kasaysayan ng ating pagdating sa bansang Japan, kumpara sa mga malalaking komunidad ng mga Koreyano, Chinese at Brazilians.
Mga Komunidad ng mga Pilipino
Kung hindi man makita ang mga Pilipino sa lipunang Hapones, madalas na makikita sila sa mga simbahan – Katoliko o Protestante/Christian.
Ang mga simbahan ay tumulong sa pagbubuo ng mga komunidad na ito o mga samahan ng mga Pilipino.
Meron ding mga samahan ng mga Pilipino na hiwalay sa simbahan at nabuo dahil sa iba’t-ibang layunin. May mga grupo para sa sports lalo na sa basketball, para sa kultura lalo na sa sayaw, para sa social cause tulad ng pagtulong sa mga Pilipinong may problema, at para sa may katayuan/status bilang mga estudyante o mga ina.
Sa Kansai, mula nung 1974, mahigit na 50 mga grupo/samahan o komunidad ang nabuo. Mas marami ang mga komunidad na binubuo ng mga Pilipinong naninirahan sa isang lugar o siyudad.
Maaring ganito rin sa ibang rehiyon ng Japan.
Kasaysayan ng Japan
Paano dapat isulat ang pamumuhay na ito ng mga Pilipino sa kasaysayan ng Japan? Paano maiiwasan ang stereotypical na pagtingin sa mga Pilipino kung sila man ay babanggitin sa kasaysayan ng Japan?
Mailalabas kaya ang magagandang contribution ng mga Pilipino sa lipunang Hapones?
Dapat ay lalo pang isulat ng mga Pilipino kung sino sila sa lipunang Hapones upang magkaroon ng batayan sa pagsama ng kanilang istorya sa kasaysayan ng Japan.
Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
March - April 2024
Minsan naiisip ko kung nakabuti ba sa atin ang ating paggamit ng wikang ingles. Kadalasang sinasabi na mabilis tayong makipag-ugnay at magtrabaho sa ibang bansa dahil sa ating kakayahan na magsalita at magsulat sa wikang ingles. Ito ang sinasabi natin na ating kalamangan sa mga taga-ibang bansa. Meron itong katotohanan na makikita sa dami ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa na gamit ang wikang ingles.
Sa mga Pilipinong turista sa Japan na aking nakakasalubong, may mga nagsasalita ng ingles. Parang may kulang sa aking naririnig, parang may mali.
Ito ay nagmula sa ating edukasyon. Ingles ang ginagamit sa pagtuturo sa paaralan.
Sariling wika
Sa karanasan ng ibang bansa, ang pag-aaral sa sariling wika mula elementary hanggang college ay suporta sa paghahanap-buhay ng mga tao at sa kaunlaran ng bansa. Natututunan nila ang mathematics, science at ibang subjects sa paaralan sa sarili nilang wika. Sa ganitong sistema, ang lahat ng kaalaman na galing sa labas ng bansa ay isinasalin sa sariling wika.
Hindi naging sagabal ito sa pag-aaral ng ingles bilang second language.
Sinasabing mahalaga na mag-aral ang mga bata sa sariling wika o lingua franca o mother tongue.
Ang “mother tongue” ay ang salita ng Ina/Nanay, ang taong parating kasama at kumakausap sa isang sanggol hanggang sa paglaki. Malaki ang impluwensiya nito sa bata at sa kanyang pag-aaral.
Hindi kaya nakakatulong din ito sa mataas na grado sa international testing ng mga bata sa ilang subjects tulad sa Japan, Korea at China?
Ang pagsasalin ng kaalaman mula sa ibang bansa sa sariling wika ay daan para ma-master ang kaalamang ito. Kapag may mastery na ng kaalaman, mas nagagamit ng mga tao sa bansa ang inangkat na kaalaman. At mas may pagkakataon silang paunlarin pa ang kaalamang galing sa iba. Mapapansin natin ang nangyayari ngayon sa China na tumataas ang level ng technology nila kasi mastered na nila ang inangkat na technology. Ganun din ang ginawa ng Japan mula pa nung 19th century.
Pagbabago sa panahon ng Meiji
Namangha ang mga Hapones nang makita ang black ships ni Commodore Matthew Perry, na sapilitang pinasok ang Tokyo bay noong 1853. Gawa sa bakal at may mga kanyon ang mga barko ng mga Amerikano. Dahil sa black ships, muling nagbukas ang Japan sa mundo.
Nguni’t hindi lang ito nangangahulugan ng pagpasok ng negosyo o kalakal mula sa ibang bansa, kundi nagsimula dito ang masigasig na paglabas ng mga Hapones upang alamin at pag-aralan ang makabagong teknolohiya sa Amerika at Europa. Dinala pauwi sa Japan ang mga bagong kaalaman at isinalin sa nihonggo upang mapag-aralan ng marami. Nagpatuloy ang pag-aaral at pagpapa-unlad ng kaalaman mula sa Kanluran nung 20th century.
Sa loob lamang ng 30 taon, meron na rin black ships ang Japan, at nanalo sa giyera sa dagat laban sa isang bansa sa Europa – ang Russia. Ito ang kauna-unahang panalo sa giyera ng isang Asyanong bansa laban sa isang bansang Europeo.
Sa loob lamang ng mga 70 taon (1868-1940), industrialized na ang Japan tulad ng Amerika at United Kingdom. Gumagawa na sila ng mga kotse, trak, bapor, eroplano, tren, at mga makina sa mga pabrika. Ang Nissan ay may modelo ng kotse na ini-export na sa ibang bansa nung 1930s.
Lahat ng ito ay nangyari dahil isinalin nila ang kaalaman mula sa Kanluran (Amerika at Europa) sa sariling wika at pag-iisip. Naging moderno sila pero nanatiling malakas pa rin ang kanilang pagiging Hapones. Kaya ang nangyari ay ganito: pagsasalin ng kaalaman sa sariling wika at pagkontrol sa kaalamang ito bilang sariling kaalaman. At mula dito, napaunlad pa ang kaalaman.
Dito ko naunawaan nang husto ang paliwanag sa akin ng isang Hapones sa isang Japanese booth sa international exhibition sa Maynila nung 1970s. Sabi niya, dina-digest namin ang kaalaman mula sa iba at saka gumagawa ng sariling bagay ayon sa digested na kaalaman. Ang mga Hapones ay natuto ng mga makabagong kaalaman sa nihonggo at saka nila pina-unlad ang kaalamang ito gamit ang nihonggo. Namamangha ako sa bookstores sa Japan na puno ng mga librong nakasulat sa kanji. Ganun din ang aking naramdaman nung una kong napasok ang isang bookstore sa Taipei nung 1980s – ang daming libro na nakasulat sa Chinese character! Meron palang ganun, buong bookstore punong-puno ng mga librong nasa sariling wika!
Ang karanasang ito ng Japan ay ginaya ng Korea tapos ng China. Lumago ang teknolohiya sa Korea at China na kakaiba sa Japan, sarili nilang pagbabago ng teknolohiya ang ginawa.
Gawang sarili
Kasabay nito ang pag-iisip na bansa muna bago ang international market. Mahalaga na maging mabuti ang produkto para sa local market. Ang mamimili sa bansa ay dapat mabigyan ng mahusay at mataas ng kalidad na mga produkto. Ang mga kababayan ang dapat unang nakakatikim ng ganda ng produkto.
Kaya’t iniisip ko na may karaparatang magmalaki ang mga Thais at Vietnamese sa sarili nilang produkto. Kung baga, sinasabi nila sa buong bansa na “atin ito at siguradong quality ang produkto.”
Mahalaga ang sariling palengke, mahalaga ang sariling kababayang mamimili.
Isang halimbawa ang mga kaldero na gawa sa Thailand. Matibay, maganda ang pagkakagawa at hindi mahal ang mga kalderong binebenta sa Thailand noong 1980s. Makalipas ang maraming taon, ibinebenta na rin ito sa shopping mall sa Pilipinas. Isang local product sa Thailand na ngayon ay imported product sa Pilipinas.
Sana ay mas malakas sa Pilipinas ang pag-iisip na "gagalingan ko ang aking produkto dahil mahal ko ang aking mga mamimiling Pilipino dito sa aking sariling bansa." Sa imbes na pang-export, mas ginagalingan ang produkto dahil para ito sa local market. Local market muna bago ang iba. Ang mga quality products na mabibili ay hindi na dapat export surplus o export reject.
Halaga ng “tayo muna”
Napapansin ko rin na kapag gamit ang sariling wika parang mas maipagmamalaki ang mga bagay na gawa sa bansa. Mas mataas ang pagtingin sa produkto na gawang lokal. Sa atin, meron tayong sinasabing “Proudly Filipino.” Nung Pebrero 2024 pinirmahan ang batas tungkol dito – batas ng Tatak Pinoy. Suporta ito sa mga produkto na “Made in the Philippines.” Sa Vietnam, nakalagay mismo sa harap ng kanilang mga tindahan ang malaking signage na “Made in Vietnam.”
Shops in Hanoi, 2014
Shops in Hanoi, 2014
Sana sa batas ng Tatak Pinoy, hindi uunahin ang export (na may mas malaking kita para sa mga kompanya) kundi ang lokal na mamimili dahil mas maraming makakabenepisyo sa mga produktong may kalidad. Kung baga, tayo muna ang dapat magbigay ng halaga at makatamasa ng mga produktong gawa sa Pilipinas.
Tatak Pinoy signs
Nasabi sa akin ng isang kakilalang Hapones na nung nagtrabaho siya sa isang car factory sa Japan, sabi daw sa kanila na dapat ay maganda ang gawa nila ng kotse dahil para daw yun sa Japan. Maaaring sabihing bias ito na pabor sa mga Hapones, pero nagpapahiwatig din ito na pinahahalagahan ang lokal na mamimili.
Kung gumaganda ang kalidad ng mga produkto natin dahil sa local market, hindi na mahirap itong i-export pagdating ng tamang panahon.
Pag-unlad bilang Filipino
Ang pag-aaral at paggamit ng sariling wika ay hindi hadlang sa pag-unlad ng bansa. Ito ay pagbubuo ng isang bansa na nakatindig sa sariling kultura at kakayanan.
Mahalaga na binibigyan natin ng halaga ang sarili nating pagsisikap na makakatulong sa pag-unlad ng sariling hanap-buhay.
Hindi na maaalis ang ingles sa atin, pero mapapaunlad natin ang paggamit ng sariling wika na ikabubuti nating lahat.
Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
January-February 2024
Left Behind
Meron akong schoolmates na ang apelyido ay Oba at Ishiwata at may kakilala ako na Tanaka naman. Nung 1970s at 1980s, hindi ko masyado iniisip na mga Japanese family names ang mga ito. Ngayon ko na lamang sila naiisip na kung titingnan ang kanilang mukha, mga Japanese nga.
Dahil sa paghahalo ng iba't-ibang lahi sa dugo ng mga Pilipino, karaniwan na lang sa atin ang makakita na Pilipinong maputi at singkitin. Sa aking pamilya mismo, may maputi at may hindi. Hindi pinagtatakhan ang mga kulay ng balat at hugis ng mata - pare-parehong Pilipino yan.
May mga istorya ang bawa't isa sa atin. At yan ay hindi lumalabas hanggang hindi natin hinahalukay at isinusulat para malaman ng iba.
Pagsulat ng anak
Nabanggit ko na ang istorya ni Mommy Ishita ng Osaka sa column na ito ilang taon na ang lumipas. Nalaman ko ang istorya ni Mommy Ishita dahil sumulat ng manuscript (sa nihonggo) ang isa sa mga anak niya tungkol sa kanyang buhay. Gusto nung anak na malaman at maunawaan ng mga tao kung sino at kung ano ang nagawa ng kanyang mahal na ina.
Si Mommy Ishita ay nakapag-asawa ng isang Hapones na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas. Nung matapos ang giyera, pinapunta sa Japan ang asawa ni Mommy Ishita, kasama siya at ang panganay na anak. Daan-daang Japanese-Filipino families ang dumating sa Japan mula sa Pilipinas ng mga 1947.
Nguni't may istorya din si Mommy Ishita na hindi alam ng marami. Maliban sa siya ay nakapag-asawa ng Hapones, sumuporta din siya sa isang kilusan ng mga Pilipino na humihingi ng tulong sa Japan upang mapalaya ang Pilipinas sa pamamahala ng mga Amerikano.
Nung panahon ng Hapon (panahon ng World War II), sumama si Mommy Ishita sa kampanya sa paghikayat sa mga kapwa Pilipino na makipagtulungan sa mga Hapones.
Ipinaliwanag ng anak ni Mommy Ishita na tunay na mahal niya ang Pilipinas kaya siya ay pumanig sa mga Hapones laban sa mga Amerikano.
Naging active din si Mommy Ishita sa Osaka at Kobe sa mga activities ng mga Pilipino hanggang siya ay tumanda na. May involvement pa rin siya sa mga bagay-bagay tungkol sa mga Pilipino nung 1990s. Pumanaw si Mommy nung March 2019, sa edad na 101 taon.
Mga naiwang anak ng mga Hapones
Iba sa karanasan ni Mommy Ishita ang mga anak ng mga Hapones na naiwan sa Pilipinas. Kadalasan ay Pilipina ang kanilang ina na nagka-asawa ng Hapones. Ang iba sa mga naiwang anak ay nakaka-alala pa sa kanilang amang Hapones. Naturuan ang iba na magsalita ng nihonggo. Sila ay tinatawag na “Philippine Nikkei-jin.”
Nguni't ang kanilang ama ay naglaho na lamang, o inaresto ng mga sundalong Pilipino o Amerikano at pinauwi sa Japan o pinatay sa Pilipinas.
Meron sa kanila na hindi narehistro sa gobyerno, at naging stateless (walang citizenship). Ibig sabihin ay hindi sila itinuturing na Filipino citizens. Kailangan pang mag-apply ng stateless recognition sa ating Department of Justice para magkarecord sila sa gobyerno.
Pagbisita sa Japan
Marami sa mga naiwang anak ng mga Hapones ay matanda na, mga nasa 80s na. Gusto pa rin nilang makapunta sa Japan at maging Japanese citizens. Gusto nilang makita ang kanilang mga kamag-anak na Hapones.
Gusto rin nilang madala sa Japan ang kanilang mga anak at nang gumanda ang buhay.
Pero malaking problema sa kanilang personal records ang iba sa kanila. Kailangang mapatunayan na sila nga ay anak ng Hapones. Kung wala silang hawak na papeles ng kanilang relasyon sa amang Hapones, mahirap silang makilala bilang anak ng Hapones.
Halos 4,000 sila, at halos 1,500 ang nakakuha ng Japanese citizenship habang halos 900 ang hindi pa Japanese citizens dahil walang records na hawak o makuha. Nung 2021, halos 500 na lamang ang natitirang buhay sa mga hindi nakakuha ng Japanese citizenship.
Mabuti na lamang at may mga Hapones na tumutulong sa kanila para makakuha ng Japanese records tungkol sa kanilang ama. Marami sa mga naiwang anak ng Hapones ang natulungang maiayos ang mga records at nakarating na sa Japan. Merong hindi na makarating sa Japan dahil pumanaw na.
Kailan lamang ay nakabisita sa Japan ang dalawang Filipino nikkeijin, sina Samuel Akaiji (taga-Palawan) at Rosa Kanashiro (taga-Davao). Binisita nila ang kamag-anak nila at ang puntod ng kanilang ama sa Okinawa.
Nikkeijin News, No. 63, January 2024
(Philippine Nikkei-Jin Legal Support Center Inc., Tokyo)
Kahalagahan ng records
Mahalaga na ang ating buhay ay may record. Maraming bagay ang lumilinaw dahil sa record. Samantalang maraming istorya ang lumalabas kapag walang malinaw na record.
Sa panahon na halos lahat ng bagay ay may video at photo (gamit ang lumang digital camera o ang bagong smartphone o dahil sa napakaraming security cameras sa maraming lugar), mas mabilis nang malaman ang katotohanan. Medyo sumobra na rin ang iba na ang bawa’t galaw sa araw-araw ay may photo o video (at naka-post pa sa social media).
Sa ating pansariling interes, mahalagang may record ang mga mahahalaga at masasayang panahon sa ating buhay. Dahil sa photo o video, masarap balikan ang mga sandaling nagdudulot sa atin ng saya.