Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
January - February 2025
Maraming nabigla nung manalo muli si Donald Trump bilang U.S. President. Sinasabing ang mga Latino, Black at Asian communities ay bumoto sa kanya. Sila daw ay bumoto kay Trump dahil nakikita nila na siya ang makakagawa ng aksyon sa kanilang problema.
Napakaraming TikTok videos ang lumalabas tungkol sa mga sinasabi ni Trump, hindi lamang noong panahon ng kampanya noong 2024 kundi pati yung matagal na niyang sinabi.
Bakit kaya?
Communication
Mukhang isang bagay na mahalaga sa sinumang kandidato ay ang kakayahang makapagpahayag ng mensaheng nauunawaan ng mga botante. Magaling sumagot si Trump sa mga tanong sa kanya – diretsahan niyang binabara ang taong sa tingin niya ay mali ang tanong o nagsabi ng bagay na hindi siya sang-ayon.
Marunong siyang magsalita nang maikli pero may malakas na dating.
May mga kandidato ding magaling magpatawa ng tao, o magaling pumili ng salita na nakakakuha ng reaction sa tao. Pero makukuha ba nila na mapa-isip ang tao sa ganitong paraan o komedya lang?
Nguni’t kapag ang communication ay arogante o may tono ng “elite” (mayaman, professionals, big business, mga “educated,” mga taga-capital cities, “progressive”), hindi yan effective at inaayawan yan ng mga tao. Lumalabas na ang ganitong kandidato ay hindi kumakausap sa mga botante bilang kapantay na mamamayan kundi bilang taong mas may alam, o may mataas na posisyon sa lipunan. Sa ganitong kandidato, ang mga botante ay ignorante o kulang sa kaalaman kaya kailangang tulungan ng mga “magagaling na tao.”
Mensahe
Nguni’t anuman ang galing sa communication, kailangang may saysay ang sinasabi. Kailangang ang laman ng mensahe ay maganda o may malalim na kahulugan o tumutukoy sa mga isyu na gustong pag-usapan ng mga botante.
Doon sa sabing ibinoto siya ng mga Latinos, Blacks (African-Americans) at Asians, ito ay dahil nakikita nila na si Trump ay may magagawa sa mga isyu nila – trabaho, seguridad sa komunidad, serbisyo ng gobyerno, etc.
Malakas ang effect ng “America First” ni Trump nung unang term niya bilang Presidente para sa mga mangggawang Amerikano na nawalan ng trabaho dahil hindi kayang sumabay ng kanilang kompanya sa mga kompanyang nasa sa ibang bansa. May mga kompanyang (Amerikano at hindi) na muling nagbukas ng factory sa Amerika dahil kay Trump.
Yung mayabang na sinabi ni Trump na kapag naging Presidente siya muli ay ititigil niya ang patayan sa Gaza at sa Ukraine ay mukhang totoo. Hindi pa siya Presidente ay nag warning na siya na pag hindi magkaroon ng ceasefire bago ang oath-taking niya sa Enero 2025 ay may masamang mangyayari. At biglang nagkasundo ang Hamas at Israel na magkaroon ng ceasefire sa Gaza war.
Bakit ganun? May mga nagsasabi na dahil yan sa “Trump effect.” Pag sinabi niya, gagawin niya – yan si Trump. Kaya ang ibang bansa ay naghihintay sa kanyang mga hakbang dahil pwede silang maapektuhan nang masama – kahit pa anong bansa yan sa North America, Europe, Asia at iba pa.
Sabihin mang may sira sa ulo si Trump, mas gusto pa ng mga botante sa America ang ganyang lider basta’t tinutupad ang kanyang salita. Tiwala silang kayang gawin ni Trump ang sinasabi niya.
Gawa hindi salita
Mas mabuti talaga yung may nakikitang gawa o pagbabago kaysa sa walang tigil sa magagandang salita.
Sa Pilipinas, isang kinikilalang magaling na lider ay si Mayor Vico Sotto ng Pasig city. May tamang academic background si Vico tungkol sa pagpapalakad ng gobyerno. Pero ipinakita niya na kaya niyang ipatupad ang mga academic ideas niya. Kaya nalinis niya ang sistema sa Pasig city government. Napalaki niya ang income ng city government kaya puwede nang itaas ang sweldo ng mga empleyado, at yung contractual ng 10 taon at mahigit ay naging regular employees. Nawala na rin yata ang mga fixers sa mga opisina. Ipinakita niya na kayang pagandahin ang lakad ng gobyerno kung gugustuhin at pagsisikapan. At ipinakita niyang kapag walang corruption may pera ang city government at may tamang serbisyo sa tao.
Kahit yung pag-aayos ng kalsada at mga public facilities sa Maynila noong panahon ni Yorme (Isko Moreno) ay may malaking impact sa mga tao – taga-Maynila man o hindi.
Ano ang gusto ng botante?
Ang gusto ng botante ay yung lider na tumutugon sa kanyang pangangailangan – trabaho, sariling hanap-buhay, edukasyon, bahay, seguridad, medical service. Basic needs ang mga ito pero hinding-hindi matugunan ng gobyerno sa mahabang panahon kahit suporta lamang ang tulong (ayusin ang palengke, serbisyo sa gobyerno, pagtatayo ng classrooms, water supply, flood control at irrigation, at iba pa).
Matutugunan ba ito ng ayuda? Ang isang mangingisda sa Zambales ay may sagot: ilang araw lamang ang ayuda, ang kailangan ay makabalik sa laot ng malaya upang makahuli ng isda sa mahabang panahon.
Kung ang mga basic needs ng mga tao ay hindi matugunan ng gobyerno, para saan pa ang pera ng bayan? Para saan pa ang kapangyarihan ng gobyerno?
Isa pang halimbawa
Nung magsimulang palakarin ang NAIA ng isang kompanya ng San Miguel Corporation, maraming balitang pagbabago na makabubuti sa mga tao ang lumabas. Meron nang pagbabago sa Terminal 3 tulad ng mas maluwag na daan sa tapat ng building, mas maayos na rin ang lugar ng mga taxi, lumakas na ang aircon, may bago nang supply ng kuryente para walang brown-out, mas marami ng upuan, mas maganda na ang trolley. Mabilis ang pagbabago dahil hindi mahirap ang mga problema. Ang kaibahan ay ang kakaibang pag-iisip ng mga taong taga-pribadong kompanya.
Yung dating mga namamahala ay walang naiisip na madali at magandang pagbabago sa NAIA. Pero ang mga tao sa kompanya ng San Miguel Corporation na ito ay may mas magandang mga idea na may tunay na ikinagaganda ng airport.
Isa pang maganda dito ay nanalo ang kompanya ng San Miguel Corporation dahil sa mataas ang kanilang bid para makuha ang kontrata sa pamamalakad at pagsasa-ayos ng airport at mataas din ang kanilang ibibigay sa gobyerno bilang bayad taon-taon na malaking porsyento sa kita. Malaki din ang kanilang gagastusin tulad ng pagtatayo ng isa pang building para mas lumaki ang Terminal 2.
Si Ramon Ang na Chairperson ng San Miguel Corporation ay hands-on sa pagpapatupad ng proyekto. Kung magsalita siya ay parang kausap niya ang mga kapitbahay sa kanyang munting bayan. Walang yabang at parang kwentuhan lang ang salita niya. Iisa lang ang gusto niya, gawin ang kayang gawin. Pag sinabi niya na magagawa, mangyayari yan. At bukas din siya sa mas magandang idea, kaya lalo pang gaganda ang proyekto.
Kailangang may tunay na pagbabago sa Pilipinas na tulad sa ginagawa sa NAIA. Kailangang ang lider ng bansa ay matapang na ginagawa ang ipinangakong mabuting bagay para sa bayan.