Jeepney Press
March - April 2025
ni Karen Sanchez
Babae Ka, Hindi Babae Lang
Lahat tayo'y isinilang ng isang babae,
Sa sinapupunang tigib ng pag-ibig at gabi.
Katuwang ang Diyos sa kanyang pagpili,
Upang sa kandungan niya'y unang namalagi.
Babae ka—hindi babae lang,
Sa mundong ito, may silbi at saysay.
Dahil sa iyo, may buhay na umiiral,
Kahit minsan, halaga mo’y di nabibigyang-dangal.
Tandaan mo, anuman ang marating,
Saan mang sulok ng mundo dumating,
Isa lamang ang ating pinagmulan—
Sa babaeng sa atin ay nagsilang.
Kaya sila’y dapat nating pahalagahan,
Lalo na kung pag-aaruga’y di nila kinulang.
Hirap at pasakit, di matutumbasan,
Habambuhay silang mahalin at ingatan.
Sapagkat sa paggalang at pagmamahal,
Biyaya ng langit ang siyang magbubukal.
January - February 2025
ni Karen Sanchez
Simplehan Lang
Simplehan lang ang buhay
Upang sumaya sa mga simpleng bagay
Huwag nang humangad ng sobra
Lalo na kung hindi naman natin ito kaya
Sekretong hindi naman malupit
Kahit sino ay pwede itong makamit
Huwag lang tayong magpanggap
Kahit tayo na ay hirap na hirap
Simplehan lang ang mga bagay
Tamang sabay lang sa agos ng buhay
Upang hindi masyadong masaktan
Kung minsa’y dumating man ang kabiguan
Simplehan ang isipan
Ganun talaga ang buhay minsan
May salat, may ginhawa
May lungkot, may saya
Ang mahalaga ay nagpakatotoo ka
Lumaban ng patas at di namantala
Dahil diyan mararamdaman ang pagpapala
Na minsan ay matalinhaga at di kapani-paniwala