Kurisumasu Keki

November - December  2024

ni Karen Sanchez

Konnichiwa, mga kababayan. Taglamig na naman, at malapit na ang Pasko at Bagong Taon. Ang bilis talaga ng mga araw! Dito sa Japan, kung saan kakaunti lang ang mga Kristiyano, ang Pasko ay karaniwang itinuturing mas romantiko at mas nakatuon sa kasaganaan at pag-unlad, kaysa bilang isang relihiyosong selebrasyon.

Ngunit, ano man ang ating pananaw, isa sa mga hindi mawawala sa Pasko dito ay ang "Christmas cake." Sa mga bakery at supermarket, nagsisimula nang tumanggap ng advance order para dito. Abala rin ang lahat sa mga paghahanda—mula sa pagpapalit ng damit pangtaglamig hanggang sa mga pagkaing gaya ng curry, stew, at hot pots. Lahat ay naghahanda rin para sa “Christmas Eve,” kung kailan maraming pamilya ay nagsasama-sama upang magdiwang.

Sa Japan, maliban sa mga tradisyonal na handa, marami rin ang naglalaan ng oras para mamasyal at magsaya. Puno ng mga "illuminations" ang buong bansa, at marami na rin ang kumukuha ng tiket para sa mga sikat na Christmas spectacles sa Disneyland sa Tokyo o Universal Studios sa Osaka.

Sa mga taon ng aking pamumuhay dito, at para sa mga tulad kong walang anak, mas pinipili kong makasama ang mga kababayang kaibigan sa pagdiriwang ng “Christmas Eve.” Minsan, nagtatambay kami sa mga Christmas illuminations, nagku-kuha ng mga selfie para i-post sa social media, at kapag wala namang makasama, diretso na lang sa trabaho. Tulad ng kompanyang pinapasukan ko, bukas palagi, walang araw na sarado—laging available, kahit holidays. Kaya’t hindi maiwasang maikumpara ko ang Pasko dito sa Japan sa Pasko sa Pilipinas, kung saan simula pa lang ng Oktubre, ramdam na ang saya at excitement ng darating na Pasko.

Dahil nga dito, nagiging "normal" na ang Pasko ko sa Japan, parang araw lang na wala namang gaanong pagbabago. Kung wala kang makakasama, video call na lang sa pamilya sa Pilipinas. Malasakit pa rin, ngunit hindi tulad ng malalaking handaan at pagtitipon sa ating bansa, kung saan ang buong angkan o barangay ay nagkakasama-sama.

Maswerte pa rin ang mga may pamilya dito sa Japan, dahil kahit papano, nararamdaman nila ang kasiyahan ng Pasko. Sa akin naman, ang espirito ng Pasko ay laging nasa aking puso’t isipan—ang pagmamahal at pagiging mapagbigay sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan, sa abot ng aking makakaya.

Hanggang sa muli po,
Maligayang Pasko at Advance Happy New Year!
God bless us all!

Nanay  

ni Karen Sanchez


Saan mang sulok ng mundo ako padparin,
Ano man ang aking mararating,
Ano man ang aking pwedeng maaangkin,
Ang lahat ay dahil kay Nanay ako nanggaling.

Nanay na sa akin ay nagdala’t nagsilang,
Nag-aruga, nagmahal nung ako’y walang muwang,
Unang umibig nang hindi mapapantayan,
At umagapay sa lahat ng aking kahinaan.

Hindi man sumapat at parang nagkulang,
Kung ikukumpara sa iba na ipinanganak na mayaman,
Ngunit sa abot ng kanyang makakaya,
Buong puso niyang ipinaramdam sa akin ang pag-aaruga.

Sa mapanghusgang mga mata at marahas na kapaligiran,
Minsan ang impluwensya’y mahirap tanggihan,
Nakakalimot sa Nanay na ating pinagmulan,
At nagpapadala sa ibang tao, na hindi kilalang lubusan.

Nanay ay kinalimutan, iniwan, pinabayaan,
At ipinagpalit nang ikaw ay sinaktan at iniwan,
Sa mga oras ng pighati at kagipitan,
Hindi siya maasahan, at ikaw pa’y nilayasan.

Ngunit bumalik kay Nanay, manikluhod at humingi ng tulong,
Buong puso niyang tatanggapin, yayakapin, at muling aakayin.


Panic Buying

September - October 2024

ni Karen Sanchez

Konnichiwa, mga kababayan! Kamusta po ang lahat? May bigas na po ba ang lahat o may binebenta na bigas pa po ba sa lugar ninyo? Kase dito po sa aming lugar at malalapit na nayon ay nagkakaubusan po ng bigas. Kung magkakaroon man stocks sa groceries ay nauubos agad. Nakapagtataka at ngayon lang ako nakaranas nito dito sa Japan. Panic buying nga po ba? Anong mayroon at nagkakaganito na dito? 

 

Nakakabahala at nakakatakot na baka wala na ngang dumating na suplay pa ng bigas o kanin ngayon. Kahit gustuhin nating bumili kung wala naman tayong mabibili paano na? Sa aking pag-aalala ay nagtanong ako sa isang 91 taong gulang at World War 2 baby kung ano ang kanyang naiisip o ano ang kanyang suhestyon o maipapayo at medyo gumaan naman ang pakiramdam ko dahil sa kanyang sinabi. Ayon sa kanya ay hindi naman daw talagang mawawalan ng bigas dito dahil marami naman daw ang nagtatanim at ngayong parating na Hunyo ay anihan na kaya, bagong ani na ang maaaring mabili sa mga groceries. At kung siya nga daw ay umabot ng 91 taong gulang na noong katatapos ng giyera ay wala sila talagang makain at maiinom ay nabuhay sila lalo pa daw ngayong mas pinaghandaan na nila ang mga ganitong pwedeng mangyari. Ngunit para sa kapanatagan ng aking loob at isipan ay mas mabuti daw na bumili na nga ako ng kahit 20 kilo lang, kaunting de lata at mga noodles para hindi masyadong mag-aalala. Kaso wala na akong mabilhan ng bigas at sana bukas o sa makalawa ay magkasuplay na sa mga pamilihan.

 

Sa nangyari noong nakaraang linggo lang at naranasan namin dito sa Kanagawa ang Magnitude 5 na lindol partikular dito sa Odawara at malakas na pala ito. Ngayon ko lang din naranasan ito dahil madalas ay wala ako dito sa Japan noon, kung  kaya nanginig ang mga tuhod ko at hindi ko na naalala ang “emergency kit for earthquake o bouzai bag” na naglalaman ng mga sumusunod: First aid kit, flashlight, tubig, gloves, battery, kutsilyo, mask, pito, maliit na kumot, kandila, pera, disinfectant wipes, lighter, plastic bags, maliit na radyo, helmet, posporo, kapote, tuwalya, kaunting pagkain, mga gamot, lubid, tissues, sabon, toothbrush o iba pang pangunahing mga pangangailangan kung sakaling ma-stranded o magkalindol, tsunami o sunog man. At nung natapos at nahimasmasan ay agad kong naisip na kung mas malakas pala ay malamang wala din akong nagawa dahil nag panic na din ako. Kaya bilang paalala sa lahat, iwasan nating mag panic, huminahon upang makapag-isip pa ng mas mabuti at higit sa lahat mas makakabuti kung may “presence of mind” palagi.

 

Ayon sa balita ay may Megaquake na pwedeng mangyari, ngunit hinihikayat pa rin ang lahat na huwag magpanic buying, huwag mag-imbak o mag hoard pero ang iba ay hindi na napigilang mamili bilang paghahanda na rin. Sa mga oras na ito ay wala pa ring suplay o pwedeng mabiling bigas, sold out lahat ngunit may mabibili pa rin namang microwavable na mga kanin kahit papano. Ako bumili na din ako ng mga pasta bilang halili sa kanin kung sakaling medyo matagalan pa ang pagkakaroon ng suplay dito.

 

Mga kababayan, wala sa atin ang totoong makakatiyak sa pwede, kailan at saan sa mga   mangyayari sa hinaharap, mag-ingat na po tayong lahat. Laging magdasal na ilayo tayo sa kapahamakan at lakasan lalo natin ang ating mga pananampalataya sa Diyos Amang Maylikha. Dahil Siya lamang higit sa lahat ang maaaring makagawa ng hindi kaya ng mga tao dito sa lupa.

 

Hanggang sa muli. GOD bless us all! 

Gintong Walang Kinang

Lahat nagsusumikap

Para sa ginhawang pinapangarap

Lahat gusto ay yumaman

Sa kahit anong paraang alam

 

Mapalad ka kung may ginto kang hawak

Kung may mga lupain kang napakalawak

Kung yung pera mo sa bangko ay umaapaw

At sa ligaya ikaw ay hindi magkamayaw

 

Maalala mo kaya ang iyong naging simula? 

Maalala mo kaya kung sino-sino ang iyong mga nakasama?

Noong mga panahong ikaw ay walang-wala pa

At noong panahong limitado pa lang ang iyong makakaya?

 

Gintong hawak mo’y mawawalan ng kinang

Kung ang puso mo’y limitado lang ang pakiramdam

Lalo na kung di ka lumingon sa iyong pinanggalingan

Tiyak gintong inasam, halaga’y di mo na maramdaman

At totoong ligaya at grasya ika’y iiwasan at pagdamutan

10 Bagay na Maganda sa Japan

July - August 2024

ni Karen Sanchez

Konnichiwa, mga kababayan! Isang mapagpalang araw po sa lahat. Kamusta po? Nawa ay nasa mabuting kalagayan po tayong lahat.

Nais ko pong ibahagi ang sampung (10) mga bagay sa Japan na tiyak kong hindi lang ako ang nagagandahan o nagkakagusto sa mga ganitong katangiang mayroon ang bansang ito:

1.    Pagkain - hindi lingid sa ating lahat na isa sa mga hinahangaan ng buong mundo ay ang malinis, masustansya, makulay, maarte at masarap na pagkain mayroon ang Japan. At nangunguna ito sa mga gustong gayahin o pag-aralan ng taga ibang bansa. Higit sa lahat ay ang kanin na masusing dumadaan sa pag-aaral at proseso bago pa ito mailabas sa merkado.

2.    Kalinisan - isa sa pinagpipitagan at pagkakakilanlan sa buong mundo ang kalinisan ng bansang Japan. Mahigpit na ipinatutupad ang paghihiwalay ng mga plastik, lata, pet bottles at iba pa. May takdang araw lamang ito upang itapon. Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagkakalat ng basura sa kahit saang lugar at maging ang paninigarilyo ay may tamang lugar. May iilan din na masasabi nating makalat maging sa sariling bahay pero karamihan ay maayos at may mga pagkakasunod-sunod o organisado ang bawat bagay.

3.    Kaginhawaan o convenient -  dahil sa pagiging organisado ay masasabi nating may ginhawa ang buhay-buhay ng bawat mamamayan dito sa Japan. Kaya nga nauso ang maraming convenient stores at vending machines kung saan mas napadali ang paghahanap ng mga kailangan. Maganda din ang pamamalakad ng Gobyerno para sa anumang serbisyong kailangan ng mga tao. Mabilis nilang natutugunan ang mga katanungan o naaaksyunan ang mga suliraning inilalapit sa kanila.

4.    Palikuran (comfort rooms) - sa nakaraang survey lang ay nangunguna sa sampung mga paliparan sa buong mundo ang 3 paliparan dito sa Japan na nagtala ng pinakamalinis at maayos. Maliban dito ay maraming pampublikong palikuran na naglipana at welcome din ang lahat na makigamit sa mga pribadong palikuran ngunit dito natin makikita ang respeto, paggalang o malasakit nila sa mga pribadong negosyo na nagbukas sa kanila nito. Kahit saang lupalop ay may makikita kang restrooms, pag medyo alanganin ang lugar lalo na kung ito ay sakahan ay may portable plastics na mga palikurang makikita sa gilid-gilid.

5.    Kultura - isa sa kahanga-hanga sa mga Hapon ay ang pagmamahal nila sa kanilang kultura. Pinagyayaman at pinangangalagaan nila ito. At hindi nila ito basta na lang binabalewala. Makikita ang kanilang respeto sa kanilang namayapang mga ninuno. At magugulantang ka at magtataka kung papaanong napanatili nila ito sa ilang daang taon nang nakalipas.

6.    Mga mamamayan - marami sa mga Hapon ang may mabubuting puso. Tulad nating mga Pilipino ay iba-iba din ang pananaw ng iilan ngunit nirerespeto nila ito. Marami sa kanila ay talaga namang sumusunod sa batas at may katapatan sa sarili. Kaya nga na kapag nawawalan ka dito ay malamang na maibabalik pa ito sa iyo. Anumang bagay na nakalimutan mo ay malamang na mapapasaiyo ulit. Kahit pa may iba pa ring nagnanakaw o nanloloko ay mas marami pa rin ang may tapat na puso at handang magbigay ng tulong sa abot ng kanilang makakaya. Masisipag at may dedikasyon sa kanilang tungkulin o pinagkikitaan.  At marami sa kanila ang loyal sa kanilang kumpanyang pinapasukan.

7.    Kaligtasan - isa din sa kilalang katangian ng bansa ay ligtas ka saang sulok ka man naroroon. Hindi talamak ang mga krimen dito. At halos lahat ng sulok ay may nakaabang CCTVs upang mamonitor ang galawan ng mga bawat kanto. Palaging may rumoronda at mabilis ding umaksyon ang mga pulis maging ang mga ambulansya. At hindi uso sa mga ospital dito ang deposit muna bago ka gamutin. Pati kinabukasan natin dito ay ligtas dahil anumang mangyari sa atin dito at handa ang kanilang gobyernong tulungan tayo.

8.    Maagap - dahil sa pag-uugaling ito ay talagang maikokompara natin ang Pilipino time sa kanila, dahil dito ay mahalaga ang bawat minuto. Makikita mo ito lalo sa mga tren na saktong-sakto sa schedules nila ang alis at dating. Malaking aberya sa kanilang kumpanya ang kahit isang minutong nahuli sila sa takdang oras. Maging sa mga trabaho ay maagap ang mga tao dito na kahit ang mga dayuhan ay kailangang sumunod.

9.    Teknolohiya - isa sa nangunguna ang bansang ito sa buong mundo. Kung saan ay napapagaan ang buhay ng mga tao. Mapapansin natin ito sa mga pagsasaka, transportasyon, anumang transaksyon, mga negosyo at iba pa. Nauuso na din dito ang kards o aplikasyon gamit ay internet upang mas mapabilis at mapagaan ang kanilang serbisyo.

10. Klima - dahil sa klima ng Japan ay maraming dayuhan ang nangangarap makarating dito. Bukod sa magaganda ang mga tanawin ay talagang maeenjoy ng lahat ang bawat perang ginagastos nila dito. Dahil sulit na sulit naman ang serbisyo at mga magagandang lugar dito. Nakakahanga at nakakamangha na kahit mga bundok ay may maayos na kalsada, may mga kuryente at may maayos na signages. At kaabang-abang ang bawat pagpapalit ng panahon.


Dahil sa pagsasama-samang mga katangian na ito ay bukod tanging maaring maipagmalaki natin at kapupulutan ng aral ang mga katangian ng mga Hapon. Maari nating itong dalhin pabalik sa ating bansa o sa ating komunidad kung saan maaring makakapagbago ng ating mga katayuan sa kasalukuyan. At maaaring maging ehemplo tayo sa ating pamilya, kaanak o kabaryo.

 

Hanggang sa muli. God bless us all.


Ngayon Na  ni Karen Sanchez

Hiram natin ang buhay mayroon tayo

Kaya huwag nang ipagbukas ang iyong mga nais o gusto

Dahil di natin alam hanggang kailan lang tayo

Kaya ngayon na, namnamin na ang buhay na ito

 

Maaaring mahirap ang ating mga pinapangarap

Kaya nga dapat tayo din ay magtiyaga at magsikap

Huwag iasa sa iba ang iyong mga pangarap at nais

Dahil pag pumalpak pa ikaw lang din ang maiinis

 

Huwag nang problemahin ang sasabihin ng iba

Dahil di naman nakasalalay sa kanila ang iyong ligaya

Nakaabang lang mga iyan upang ikaw ay madapa

At imbes na ibangon ka’y pagtatawanan ka pa

 

Kaya tara na, galaw na, ngayon na

Ipagbunyi ang buhay na mayroon ka

Magpasalamat sa Diyos na ikaw ay pinili

Sa kanya huwag na huwag nang mag-atubili

Upang ang bawat segundo mo ay may silbi at hapi.

Bida Si Eba

May - June 2024 

ni Karen Sanchez

Konnichiwa, mga kababayan!

Kamusta po ang lahat? Ang ating mga pamamasyal sa nag-gagandahan at kahanga-hangang Sakura na naglipana saan sulok man dito sa Japan? Talaga namang dinadayo pa ng mga turista mula sa iba’t-ibang panig ng mundo kasabay ng pagbaba ng halaga ng Yen laban sa Dolyar sa kasalukuyan. Nawa na ang lahat ay nag-enjoy tulad ko at ng aking mga kakilala na punong-puno ng larawan at kwentong Sakura ang social media at dahil nauuso na ang “Facebook reels” ay tila walang katapusan ang kwento na atin nang makikita. Noong panahon ay hindi natin maibabahagi sa lahat. Ngayon, buong mundo ay maaring makaalam ng kwento ng buhay natin. Depende sa kung ano ang  nais nating ibahagi dito sa social media gaya ng Facebook, X o ang dating Twitter o Instagram, Tiktok at iba pa.



Sa mundong ito, dalawang klase lang ang maiiwan nating kwento sa oras na lisanin natin ito: ang positibo o negatibo. Sa madaling salita ay ang mga maganda at pangit na hindi makakalimutan at habang buhay na pasalin-salin ito sa ating kasunod na mga henerasyon. At aminin man natin o hindi, ang mas madalas na nananatili ay ang pangit na kwento at mas nakakalimutan ang mga kabutihan natin sa mundong ito. Kung kaya, ikaw kabayan anong, kwento mo?

Samo’t-saring kwento mayroon tayo sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Gaya ng mundong masalimuot, ang buhay ng iba sa atin na tila impyerno na ang pakiramdam. May iba sa atin na lugmok na lugmok na pero pilit lumalaban. At mayroon din namang pinagpala na masaya sa araw-araw ng kanilang buhay kung saan eh mapapa “sana all” ka na lang.

Ang isyung ito ay tila isang paalala sa ating lahat na anumang ating pinagdadaanan ay sana mas piliin nating gumawa ng kabutihan. Dahil sa bawat kwentong ating maiiwanan na tatatak sa isipan, hindi makakalimutan at mapagpapasa-pasahan ng ating mga kaanak. Maging ang ating mga apo sa talampakan ay tiyak na makakaalam. Kaya atin na itong gandahan upang sa gayun ay hindi naman tayo makalimutan at ikahiya kahit na tayo ay nasa kabilang buhay na at mananatili ito kailanman.

Tulad ng mga bayani, bawat isa sa atin ay may natatanging kwento na maaring ipagmalaki o ikahiya. At sa parating na golden week, panibagong pagkakaabalahan na naman ng mga karamihan dito sa Japan. Marami sa atin ay walang pasok at tiyak na kung saan-saan na naman magbabakasyon o magliliwaliw ang karamihan. Kaya isang, mapagpalang paglalakbay, mga kababayan.

Isipin natin na ang buhay ay walang “rewind” kaya hanggat kaya natin, hanggat malakas pa tayo ay atin nang gawin ang mga bagay na nais natin at makakapagpasaya sa atin. Nang sa gayun ay wala tayong panghihinayangan pagdating ng araw.

Hanggang sa muli.

SAKURA

Bawat taon na ika’y aking nasisilayan

Kulay rosas na kay gandang pagmasdan

Tila maaliwalas ang mga kapaligiran

Nakakagaan nang bawat pakiramdam

 

Sakura na ang ganda’y mabilis ding mawala

Tila lungkot na napapawi kapag nasisilayan ka

Dahil ngiti sa mga labi ay hindi maikukubli

Mga suliranin nakakalimutang sandali

 

Ngunit hindi lahat nagigiliw sayo

Sa pangangati sa kanila ay kalbaryo

Kaya kahit anumang ganda mo

Sila ay hindi ganun ka interesado

 

Sa pagpalit ng mga araw at panahon

At sa iyong patuloy na pagyayabong

Umulan ma’t umaraw, may niyebe o wala

Nawa’y matatag at malakas ka

Para sa susunod na taon ika’y may ibubuga

Sakura photo by Dennis Sun

Bida Si Eba

March - April 2024

Isang maganda at mapagpalang umaga sa lahat mga kababayan! Lalong- lalo na sa mga Eba o ang mga kababaihan sa ating buhay o tayo mismo. Bilang pagpupugay ay buong puso kong iniaalay ang kolum o isyu na ito sa mga kababaihan sa buong mundo. Mga babaeng handang magsakripisyo at magmahal ng paulit-ulit. Happy White Day! Happy Women’s Day! Pagpalain tayo nawa.

Dapat lang na bigyan nating halaga ang mga babae dahil kung wala sila wala tayo sa mundong ito. Maging ikaw ay mapalalaki, bakla o tomboy, ang iyong ina ay isang babae. Babaeng nagdala sayo ng 9 na buwan sa kanyang sinapupunan. Ang babaeng nagtiis ng mga sakit o pagod habang tayo ay unti-unting nahuhubog bilang tao; bago pa man tayo lumabas sa sangkatauhan. Ang babaeng nagbigay-buhay, buong puso at walang kapantay na pagmamahal kahit di ka pa man nya nasisilayan. Ang babaeng iningatan ka habang ikaw ay nasa kanyang sinapupunan. Ang ating mga Ina.


Oo, hindi lahat ng ina ay maituturing na bida o responsableng ina, ngunit dahil sa kanila kaya tayo nandidito at nagkaroon ng pagkakataong masilayan ang mundo. Kung naging masaklap man ang ating mga karanasan ay hindi naman lahat dahil ang pagmamahal ng isang ina ay matalinghaga, malalim at walang kapantay. Ito ay sa mga normal na mga ina, mga babaeng nasa wasto ang pag-iisip at hindi nasobrahan ng stress o nalulong sa anumang mga bisyo. Sila ang mga inang inuuna ang kapakanan ng mga anak bago ang sarili simula noong isinilang ka at maging sa ating pagtanda, maging mga ina ka na rin sa mga sari-sariling mga anak o pamilya. Minsan pa nga sila na din nag-aalaga ng mga anak ng anak nya o kanyang mga apo at pagdating ng ilang taon tiyak ay ganun na din tayo. Nagpapasalin-salin lang pero iisa ang papel na ginagampanan natin dito sa mundo.

Sa ating mga ina, una tayong nakadama ng buhay, pagmamahal, pagpapahalaga, saya at pang-uunawa. Ang ating mga ina ang pinakaunang babaeng magmamahal at tatanggap sa atin anuman ang ating mga deperensya o pagkukulang. Anumang kasalanan ang ating nagawa ay handa silang magpatawad at sila din ang unang-unang natutuwa sa ating mga naabot na tagumpay o nakarangyaan sa buhay. Sa kabila nito, sila din ang unang-unang nasasaktan at umiiyak kapag may mga masamang bagay ang nangyayari sa kanilang mga anak. May mga oras pa na sinasarili nila ang mga problema, umiiyak mag-isa at ayaw ipakita ang paghihirap nila sa takot na maapektuhan ang mga pinakamamahal na mga anak.

Lahat tayo ay dumadaan sa hindi magandang pangyayari sa ating buhay. Ito ay bahagi lamang o pamamaraan ng Diyos Amang Maylikha upang hubugin o buohin ang ating mga pagkatao dito sa mundo. Lagi nating iisipin na tayo ay bukod tanging binigyan ng Diyos ng karapatan at kalayaang mamili ng buhay na mayroon tayo. Kung kaya nasa sa ating sariling pagsisikap kung paano natin patakbuhin ang ating mga buhay.

Bilang isang paalala sa lahat, nawa ay bigyan natin ng isang mahigpit na yakap at halik ang mga Eba sa ating mga buhay. Bilang paggunita ng totoong kahulugan ng pagmamahal o ng “unconditional love” at isang buong pusong pasasalamat. Higit sa lahat ay lagi nating iisipin na ang mga anak na mabubuti sa kanyang mga magulang ay pinagpapala ng Diyos Ama.

Hanggang sa muli. GOD BLESS.

Simplehan Lang

Simplehan lang ang buhay

Upang sumaya sa mga simpleng bagay

Huwag nang humangad ng sobra

Lalo na kung hindi naman natin ito kaya

 

Sekretong hindi naman malupit

Kahit sino ay pwede itong makamit

Huwag lang tayong magpanggap

Kahit tayo na ay hirap na hirap

 

Simplehan lang ang mga bagay

Tamang sabay lang sa agos ng buhay

Upang hindi masyadong masaktan

Kung minsa’y dumating man ang kabiguan

 

Simplehan ang isipan

Ganun talaga ang buhay minsan

May salat, may ginhawa

May lungkot, may saya

 

Ang mahalaga ay nagpakatotoo ka

Lumaban ng patas at di namantala

Dahil diyan mararamdaman ang pagpapala

Na minsan ay matalinhaga at di kapani-paniwala


Life Is Short

January - February 2024

Konnichiwa mga kababayan!

Maligaya at masaganang 2024 po sa lahat. Nawa ay ramdam nating lahat ito. Sa sobrang bilis ng panahon at bukod sa magaganda na ipinagpapasalamat nating nangyari noong 2023 ay may mga tao ding mariringgan natin ng katagang  “life is short” talaga. Hindi talaga natin alam kung kailan at kung sinu-sino ang makakabanggit ng mga katagang ito; lalo na yung sa pagkakakasunud-sunod ng mga hindi magagandang nangyari o trahedya sa paligid. Kagaya na lamang ng mga kaguluhan sa ibang bansa na nakakitil ng maraming buhay bata man o matanda. Mga pagbaha at sunog sa iba’t-ibang lugar sa mundo. Sa aming probinsya marami ang nakaranas ng aksidente sa kalsada at may mga nawalan ng mga mahal sa buhay bago pa man sumapit ang pasko at bagong taon. Kung kaya’t masasabi ko na “life is short” para sa mga taong nagsumikap para sana sa kanilang mga kinabukasan at ng kani-kanilang pamilya ngunit dahil sa mga trahedya ay nawala silang tuluyan at naiwang bigo o nawalan ng pag-asang makaahon ang ibang naiwan nilang pamilya.

Dito sa Japan ay nakaranas din ng matinding lindol noong unang araw sa taong ito o January 1, 2024 alas 4:10 ng hapon na may may pagyanig ng 7.6 sa Hilagang Kanluran (Northwest) Suzu, Noto, Ishikawa at may mga namatay na sa oras na ito ay umabot na ng 84 katao ang kumpirmado at may mga napinsala sa ibang kalapit na mga lugar.

Kasunod pa nito ay ang pag kasunog ng  JAL A350 mula Chitose, Hokkaido noong January 2, 2024 alas 6 ng gabi na may sakay na 379 katao, lahat ay nailigtas, di maiiwasang may mga nasaktan at ngunit sa kasamaang-palad ay naging sanhi ng  pagkamatay ng 5 katao mula sa nabanggang eroplano na maghahatid sana ng mga pagkain o relief goods sa nilindol na lugar. At hanggang sa araw na ito ay patuloy ang pag boboluntaryo ng mga ibang tao para sa mga nasalanta.

Nakakalungkot kung ating iisipin ngunit wala talagang sinumang makakapagsabi sa mga mangyayari kaya dapat araw-araw tayong handa, araw-araw tayong gumawa ng tama at higit sa lahat araw-araw tayong magdasal na nawa ay iligtas tayo sa anumang kapahamakan. Ang tiwala sa Diyos at ang  ating pananalig ay siya lamang  tunay na sandata sa anumang mga hindi magagandang nangyayari sa paligid natin. Kaya dapat na iparamdam natin ang ating pagmamahal , ang ating pag-aalala sa ating mga mahal sa buhay. Dahil tulad ng mga nangyari at nasaksihan natin ay tunay na masasabi nating “life is short.” Kaya dapat namnamin natin ang bawat sigundo, bigyan halaga ito at higit sa lahat ay pilitin nating maging matuwid  at kaaya-aya sa ating kapwa lubos higit sa lahat ay sa Maykapal. Dahil sa kung gaano kabilis o kaiksi natin nararamdaman ang pagpapalit ng panahon na walang kasiguruhan ay higit ang buhay nating wala talagang sinumang nakakaalam.

Kaya bilang  isang paalala mga kababayan, piliin at pilitin natin maging masaya, makontento at magmahal dahil sa pagmamahal mas maraming tama at higit sa lahat wala tayong pagsisisihan kung tayo mismo ay mailalagay sa sitwasyong matapos ang ating buhay dahil nga “life is short.”

Hanggang sa muli.

Nawa ang pag-papala ng Diyos Ama ay mapasa ating lahat.

 

Sa Likod Ng Ulap Ay May Pilak

 

May mga panahon na madilim

Kalangitan ay makulimlim

Malungkot sa ating paningin

Lalo pa’t malamig ang simoy ng hangin

 

Ngunit may ibang ipinagpapasalamat

Itong makulimlim na paligid at ulap

Sapagkat tila itong pilak

Na sa kanila ay may payapa at tiyak

 

Sa likod ng ulap, ay may pilak

Dahil may ginhawa sa bawat hirap

Kahit minsa’y pag-asa ay mailap

Nawawala, tila lutang ka sa alapaap

 

Nabigo man at nasaktan

Nadapa man at naging luhaan

Lahat ng ito ay may katapusan

At atin naman itong nalagpasan

Kung kaya ligaya ay atin ding naramdaman.