Karen Sanchez
ni Karen Sanchez
Ano Ba ¥en ?
Konnichiwa, mga kababayan!
Isang mapagpalang araw na naman po sa lahat. Kamusta na po tayo? Ramdam na ramdam po natin ang pagbaba ng halaga ng Yen ano po? At tinatayang mas bababa pa daw po ito hanggang bagong taon. Kaya mga kababayan, kailangan na yata nating maghigpit ng ating mga sinturon upang hindi natin masyado maramdaman ang pagbaba ng halaga nito.
Dahil sa kaliwat-kanang kaguluhan sa ibang parte ng mundo at sa mga gulong kinakasangkutan ng ibat-ibang bansa ay patuloy na bumaba ang halaga ng bawat sentimo ng pera natin dito sa Japan laban sa dolyar ng Amerika at sa Piso ng Pilipinas, kung saan marami sa mga kababayan natin ang naniniwalang ito ay indikasyon na gumaganda na daw ang ekonomiya ng ating bansa. Kayo na po ang bahalang humusga kung ano ang tingin nyo sa bagay na ito. Ngunit ang patuloy na pagbaba ng halaga ng Yen ay ikinababahala na rin ng mga Hapon at habang isinusulat ko ang artikulong ito ay bumaba ng $1= ¥151, subalit makikita pa rin sa mga Hapon ang kanilang lakas ng loob at inisyatibong magpatuloy na magsumikap para sa kani-kanilang buhay at bansa. Kapansin-pansin ang pakikiisa ng mga mamamayan sa pakikipaglaban upang umangat ang ekonomiya ng bansang Japan. Kung kaya kahit nag-aalala ay mas nananaig pa rin ang tiwala ng mga mamamayan na makakabawi din ang bansa at muling sisigla ang palitan ng Yen laban sa Dolyar. Sinisigurado ng mga nasa Gobyernong Hapon bago natin maramdaman ang sobrang paghihirap ay nagawa na rin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maibsan ang bigat na maipapasa sa mga mamamayan dito.
Kasabay nito ay nalalapit na naman ang Pasko. Hindi lahat ay masaya dahil kanya-kanya naman tayo ng mga ganap sa buhay. Lalo pa at katatapos lang nga BSKE o eleksyon sa bansa natin. May mga pinalad at may mga nabigo. Bago mag bagong-taon ay uupo na din ang mga bagong halal kung saan muli na naman mapapatunayan ang kani-kanilang totoong layunin sa pagpasok sa pulitika.
Sa kabilang dako ay lumipad ang Prime Minister Fumio Kishida tungo sa ating bansa upang pagtibayin ang samahan at ang siguridad ng ating bansa laban sa usaping isla ng Pag-asa o Scarborough Shaol. Di naman kaila sa atin ang matagal na usapin ukol dito. Umaasang muling sisigla at humigpit ang samahan ng ating bansang Pilipinas at Japan. Marami na ring proyekto o tulong ipinaabot ang Japan mula pa noon at kung mapapansin natin ay marami din ang nagbobolunrtaryong mga Hapon upang magbigay ng tulong sa mga kababayan natin. Nawa, ang pagdalaw ni PM Kishida ay may malaking impak sa pagbaba ng palitan ng Yen nang sa gayun ay sumigla ang Pasko nating lahat.
Isang paalaala lamang po na ano man ang mangyayari ay nasa sa atin pa rin kung paano natin haharapin ang bawat umaga na dumarating sa atin. Kanya-kanya pa rin tayo ng mga diskarte upang makalagpasan ang hamon ng bawat araw na lilipas. At may kanya-kaya tayong pamamaraan at kaligayahan sa buhay.
At sa Paskong darating nais ko po kayong batiin ng “Maligayang Pasko at Masigla at Masaganang Bagong Taon po sa lahat!
Hanggang sa muli.
Tunay Na Pag-ibig
Minsan lang dumarating
Tunay na pag-ibig sa’tin
Dahil marami na ding nagpapa-alipin
Nag-aalay ng huwad na damdamin
Maraming mapagpanggap
Panloloko dito ay laganap
Tunay na pag-ibig ay mailap
Masakit, minsan ay kay saklap
Lagi tayong nakakalimot
Sa Diyos pag-ibig walang pag-iimbot
Kaya sa paskong darating
Tunay na pag-ibig ibahagi natin
Sa anumang paraan
Na ating makakayanan
Gumawa tayo ng mabuti
Upang ang Diyos sa’tin nakangiti
At bilang ating ganti
Pag-ibig ating ibahagi
Di lamang sa paskong darating
Kundi sa bawat umagang ating pag gising
ni Karen Sanchez
Alam Mo Ba???
Konnichiwa, mga kababayan!
Isang mapagpalang araw sa lahat mga kaangkas!
Muli na naman tayong magkakasama para sa aming mga munting kakayahan at nawa ay maging bahagi sa isa na naman ninyong napaka-abalang araw. Nais ko lamang ibahagi ang ilang mga bagay na nalaman ko na maaring alam nyo na rin. Ngunit dahil sa abala ang ilan sa atin at ang iba naman ay kahit alam na ay hindi na binigyan pansin hanggang sa nakalimutan na ito. Marami malamang ang tulad ko na ngayon lang din lubos na nalaman ang sistema, estado o ang pagkakaiba ng Regular, Full time, Arubaito, Part-time at Trainee dito.
Una, alam mo ba kabayan na malaki ang nagawa o tulong ng pag-aaral ko sa JICE Shigoto no Tame no Nihonggo? Dahil noong pinasulat ako ng rirekisho o bio-data sa oras mismo ng pag-aapply at sa harap ng mag-iinterview ay maayos kong naisulat ang mga kinakailangan pati ang natutunan kong mga kanji na aminin man ng iba o hindi karamihan ay ang mga asawa nila ang nagsusulat o nag fill-up ng mga ito. Kauna-unahan akong Pinay na natanggap sa kumpanya. At sa loob ng kalahating taon ay naging regular (seishain) at ginawa nila akong Supervisor o Tantosha. Kung saan hindi na ako basta-basta matanggal unless may gagawin akong masama. Salamat sa tiwala nila, salamat sa Hellowork na nagbibigay prebilihiyong makapag-aral at matuto ng libre ng mga tamang paggamit o ginagamit na Nihonggo sa pagtatrabaho at higit sa lahat sa Diyos na nagbigay ng pagkakataong kagaya nito.
Alam nyo po ba na karamihan sa atin dito ay nasa part-time or arubaito? Isa sa mga dahilan ay ang Fuyo Kazoku ng mga asawa at may karampatang halaga lamang na dapat nating kitain sa loob ng isang taon. Ang iba naman sa atin ay may iba pang trabaho at bilang pandagdag kita ay nag aarubaito at alam nyo na po ang aking ibig sabihin.
Alam nyo po ba na hindi din basta-basta ang maregular sa trabaho dito at may mga benepisyo silang naibibigay yun nga lamang ay kinakailangan din tapatan ito ng pagtatrabaho. Kailangan natin ang sipag, pasensya, tiyaga at dedikasyon. Kapalit naman ng mga ito ay ang magandang benepisyong babalik sa atin kapag tayo ay magkakaedad na o sa oras na magretiro na tayo. Higit sa lahat ay tuloy-tuloy ito hanggang sa tayo ay lumisan sa mundong ito na mapapakinabangan ng maayos ang ating pinaghirapan dito. Pwede tayong mamili kung dito ba o sa Pilipinas tayo mamumuhay nang medyo makakaluwag-luwag dahil benepisyong makukuha natin mula dito sa Japan.
Alam mo ba na ang maging kaishain ay isa sa pinakamahirap at masarap maging dito sa Japan? Pinakamahirap dahil halos buong oras at buhay mo ay dapat mong ituon sa kumpanya mo. Mas mahaba ang oras ng pagtatrabaho at minsan pwede pang walang uwian depende sa mga sitwasyon ng kumpanya. Masarap dahil sa maliban sa benepisyong pwede nating makuha pagtanda ay may bonus at depende din ito sa laki ng kumpanya at may mga extra-ordinary pang holiday at hindi ito basta-basta dahil nag a-out of town sila at yung iba sa abroad pa na libre ng kumpanya, na hindi natin mararanasan kung arubaito lang tayo.
Alam mo din ba kabayan na ang mga kumpanya dito sa Japan ay maaaring tumanggap ng mga “special” or down syndrome na mga tao at tinuturing itong normal dito? Katulad natin ay may sweldo din sila at sa pagkakaalam ko ito ay kahati ng kumpanya ang gobyerno para dito. Hindi rin pwedeng tanggihan ang mga katulad nila upang magtrabaho.
Ang intern basically alam natin yan, pero mayroon ding tinatawag na trainee at marami sa ating mga kababayan ang pasok dito. Marami din ang mga galing sa ibang bansa gaya ng Vietnam, China, Indonesia, Thailand, India at iba. Sila ay madalas nating makikita sa mga factories, ospital bilang kaigo o caregiver, sa gemba o mga construction sites at sa mga farms upang maging taga pitas ng gulay o prutas. Sila ay madalas na nakakontrata ng 3 taon lamang at nakadepende pa rin sa kanila o sa kanilang kumpanya kung sila ay papauwiin o magtatagal.
Kaya sa katulad nating may permanent resident visa ay maituturing tayong lahat ay ipinagpala. Kung kaya laban lang ng laban habang nandito tayo sa Japan mga kababayan. Hanggat kaya nating magtrabaho at makaipon para sa ating kinabukasan at para sa mga mahal natin sa buhay. Dahil aminin man natin o hindi ay mas masarap pa ring mamuhay sa bansa natin kasama ang ating mga mahal na pamilya.
Hanggang sa muli. Pagpalain nawa tayong lahat.
Laban Japan
Isang biyaya na tayo ay nasa Japan
Dito may pagkakataon tayong yumaman
Basta’t ikaw ay masipag at mapagkakatiwalaan
At hinding-hindi gagawa ng anumang kalokohan
Respeto sa isa’t-isa atin itong ramdam
At buhay ng iba ay hindi pinakikialaman
Halos lahat ay abala sa kanilang pinagkikitaan
At minamahal ang kanilang mga kabuhayan
Laban Japan para sa ating mga mahal sa buhay
Sa Pilipinas na hindi pinalad magtagumpay
Na tayo ang kanilang takbuhan at alalay
Kung sila ay nawawalan ng pag-asa at nalulumbay
Laban Japan at ating ipagpatuloy
Mga natutunan at aral na ating naging gabay
Upang tayo dito ay tumagal mamuhay
Sa bansang punong-puno ng kulay, sigla at buhay
ni Karen Sanchez
Mental Health
Magandang araw, mga kababayan!
Isang mapagpalang araw sa lahat.
Nais ko pong bigyan pansin ang nakakaalarmang isyu tungkol sa kalusugang pangkaisipan na pumukaw sa akin. Nakakabahala ang sunod-sunod na pangyayari dito sa Japan at sa ibang panig ng mundo. Lalo na ang ibang kababayan nating mga OFWs. Isa pang dahilan ay mula sa kwentong narinig ko mula sa aking mga kakilala na sila o mga anak nila mismo ang nakakaranas nito na iniisip ko din na pwede ding mangyari ito sa atin. Nawa, sa ganitong paraan ay maipa-abot namin sa ating mga kababayan ang kaunting kaalaman upang maging mapagmatyag at magbigay ng ideya upang maiwasan o matuklasan kung tayo ba ay nakakaranas nito.
Ang “Mental Health” o Kalusugang Mental ay tumutukoy sa kalagayan ng aspetong mental ng tao na nakakaapekto sa ating mga desisyon sa pang-araw-araw. Sumasaklaw ito sa emosyonal, psykolohikal at sosyal na pangkalusugan na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng “mental illness”.
Ang “Mental Illness” ay ang pagbabago ng ating emosyon, pag-iisip, pag-uugali o behavior na nagkakaroon ng negatibong epekto sa relasyon, trabaho, pamilya ng isang tao. At maaari natin itong matukoy sa mga palatandaan sa pagbabago ng mga sumusunod:
Ang ating emosyon, kapag naging negatibo ang ating pagtugon sa ating nararamdaman na maaring mauwi sa stress o depresyon. Dahil ang buhay ay puno ng mga emosyon tulad ng kaligayahan, kalungkutan, pagkayamot, pangamba, galit at marami pang iba; na nakadepende sa ating pakiramdam.
Sa ating pakiramdam o feeling naman natin mapupuna kung gaano ito nakakaapekto sa atin. Ito ay ang matinding emosyon sa aspeto ng psykolohikal. Dito ay nagiging sensitibo tayong palakihin ang mga maliliit na mga bagay-bagay. Kapag hindi na tayo kalmado, mapag-alaga, mapagmahal, mahinahon, mapayapa at iba pa na nakakaapekto naman ito sa ating modo o “mood”. Dito ay maari nang hindi makatulog, nagsisigaw o nananakit.
Sa pagbabago o ang sari-saring disposisyon o modo na pwedeng magtagal sa loob ng isang minuto, oras, araw at buwan na lubhang nakakaapekto sa atin, na nagiging sanhi ng depresyon. Dito naman natin mapapansin ang negatibong pagtingin sa mga bagay, nawawala ang lohika, rason, katwiran o paninimbang. Mapapansin din natin ang matinding lungkot, trauma, kakulangan, pagkabigo, o pagkawala ng interes sa estadong sosyal na mas gusto na nya mapag-isa, magkulong sa kwarto at ang nakakabahala sa lahat ay ang pagkawala ng interes sa buhay na nauuwi sa pagpapakamatay o suicide.
Madalas ang taong nakakaranas nito ay ang mga taong nakaranas ng matinding trauma, pressure, pagkabigo at na-bully. At ang lubhang naaapektuhan kapag ang kapamilya o mga mahal natin sa buhay ay nakakaranas nito ay ang pamilya din mismo. Dahil hindi naman natin pwedeng isantabi, balewalain o pabayaan. Kaya, kapag ang isang kaibigan, kakilala o kapamilya ay lumapit, humingi ng tulong o naglabas ng kanyang hinaing ay maging matiyaga sana tayo itong pakinggan at unawain dahil baka isa itong paraan na makaligtas tayo ng isang buhay at makapagbigay muli ng pag-asa o inspirasyon upang manumbalik ang lakas upang magpatuloy ulit sa kanyang buhay.
Dito sa Japan ay maaari nating makita ang nakapaskel sa dinding ng ating pinagtatrabahuhang kumpanya, ang mga hotlines o numero na pwede nating tawagan kapag nakakaranas tayo nito. Pwede din tayong lumapit sa mismong Munisipyo upang maituro sa atin kung saan at ano ang dapat nating gawin upang matugunan ang ating mga suliranin nang libre. Higit sa lahat, mas malaki ang magagawa ng pamilya na handang makinig, umunawa at magbigay ng payo, suporta at pagmamahal. At huwag nating kalimutan na ang buhay ay punong-puno ng maraming kulay, damdamin at suliranin. Ngunit, lagi nating tandaan na walang ibibigay ang Diyos Ama na hindi natin ito makakaya. Lagi tayong magdasal at humingi ng gabay at tulong sa Kanya.
Hanggang sa muli po. Pagpalain nawa tayong lahat.
Sayang Na Sayang
Kapag dumating ang tagumpay
Nang hindi inaasahan sa ‘ting buhay
Huwag na natin itong pakawalan
At sana atin itong mahalin at alagaan
Sayang na sayang ang pagkakataon
Na ibinibigay sa atin ng Poon
Kung sa maling mga bagay nakatuon
At sa mga maling wisyo ang ating atensyon
Sayang na sayang ang ganda ng paligid
Kung hindi ka dito naka masid
At sayang na sayang ang pag-ibig
Kung hindi mo ito nadadama at ikaw ay ligalig
Ang tanong ay bakit mo hayaang masayang?
Kung pwede mo naman ito pakahalagahan
Habang may bukas ka pang inaasahan
Bumangon, muling mangarap at simulan