Moving On

Pinakamalamig na panahon 

dito sa aming lugar

January - February 2025

by Jasmin Vasquez

Natatandaan ko noong ako ay bata pa. Tuwing nakikita ko yung mga picture ni Nanay na kuha dito sa Japan pagsapit ng winter, talaga naman sobrang kapal ng snow. Parang sobrang saya maglaro at magpa picture. Hanggang sa dumating yung time na makarating ako dito sa Japan excited na ako makaranas ng ganoon.


Sa una, antay ako ng antay kailan uulan ng snow. At ayun na nga ng nangyari na, picture dito picture doon, ang saya. Pero sa una lang pala yon. Dahil madali akong ginawin at lamigin ang aking katawan. Madalas tatlong doble na yung suot kong damit. Lalo na at medyo mataas ang aming lugar. Higit lalo dito sa aking pinag tatrabahohan. Talagang kung mahina ang iyong katawan ay madalas kang mag kakasakit sa sobrang lamig.  

Isa ring problema ko tuwing sasapit ang ganitong panahon ay sobrang napaka delikado kapag nanigas yung snow sa daan. Napakadulas kaya maraming disgrasya. Kung minsan kahit na sobrang ingat mo ay talaga namang mahirap iwasan ang kapahamakan. Kailangan talaga ng dobleng pag-iingat.


Kamakailan nga lamang nung sobrang kapal ang nyebe dito sa aming lugar, mabuti at ok naman yung aking car at wala naman masamang nangyari hanggang makarating ako sa parking ng kaisha namin. Ngunit sa kasawiang palad, noong ako ay naglalakad na papasok, ayun nag slide ako dahil sa dulas ng daan. Lumagapak ako sa daan kaya ako ay napilayan. Pumasok pa din ako sa work akala ko mawawala yung sakit sa paa ko at tuhod. Pero noong bandang tanghali na ayun nag start na unti unti ng sumakit ang mga paa at binti ko, hanggang di ko na kinaya. Ayun, ako ay nag paalam na para umuwi. Ako'y nag pa check up sa doktor, ayun nga ang resulta napilayan daw ako.  

Sa ngayon ay ok na ako. Ingat po tayong lahat palagi. At sa mga nagbabalak mag punta sa mga mayeyelong lugar, dapat po ang suot nating mga sapatos ay yung siguradong hindi tayo madudulas. Gayon din ang ating mga gulong kahit pa naka winter tire tayo pero kung hindi 4WD ang ating sasakyan ay mahihirapan po tayo.  


Ingat po tayong lahat para ngayong darating na buwan ng pag-ibig ay ma enjoy natin ang araw ng mga puso. Maraming salamat po.