Jeff Plantilla 2024

Isang Araw sa Ating Buhay

ni Jeff Plantilla

March - April 2024

Minsan naiisip ko kung nakabuti ba sa atin ang ating paggamit ng wikang ingles. Kadalasang sinasabi na mabilis tayong makipag-ugnay at magtrabaho sa ibang bansa dahil sa ating kakayahan na magsalita at magsulat sa wikang ingles. Ito ang sinasabi natin na ating kalamangan sa mga taga-ibang bansa. Meron itong katotohanan na makikita sa dami ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa na gamit ang wikang ingles.

 

Sa mga Pilipinong turista sa Japan na aking nakakasalubong, may mga nagsasalita ng ingles. Parang may kulang sa aking naririnig, parang may mali.

 

Ito ay nagmula sa ating edukasyon. Ingles ang ginagamit sa pagtuturo sa paaralan.

Sariling wika

 

Sa karanasan ng ibang bansa, ang pag-aaral sa sariling wika mula elementary hanggang college ay suporta sa paghahanap-buhay ng mga tao at sa kaunlaran ng bansa. Natututunan nila ang mathematics, science at ibang subjects sa paaralan sa sarili nilang wika. Sa ganitong sistema, ang lahat ng kaalaman na galing sa labas ng bansa ay isinasalin sa sariling wika.

 

Hindi naging sagabal ito sa pag-aaral ng ingles bilang second language. 

 

Sinasabing mahalaga na mag-aral ang mga bata sa sariling wika o lingua franca o mother tongue.

 

Ang “mother tongue” ay ang salita ng Ina/Nanay, ang taong parating kasama at kumakausap sa isang sanggol hanggang sa paglaki. Malaki ang impluwensiya nito sa bata at sa kanyang pag-aaral.

 

Hindi kaya nakakatulong din ito sa mataas na grado sa international testing ng mga bata sa ilang subjects tulad sa Japan, Korea at China?  

 

Ang pagsasalin ng kaalaman mula sa ibang bansa sa sariling wika ay daan para ma-master ang kaalamang ito. Kapag may mastery na ng kaalaman, mas nagagamit ng mga tao sa bansa ang inangkat na kaalaman. At mas may pagkakataon silang paunlarin pa ang kaalamang galing sa iba. Mapapansin natin ang nangyayari ngayon sa China na tumataas ang level ng technology nila kasi mastered na nila ang inangkat na technology. Ganun din ang ginawa ng Japan mula pa nung 19th century.


Pagbabago sa panahon ng Meiji

 

Namangha ang mga Hapones nang makita ang black ships ni Commodore Matthew Perry, na sapilitang pinasok ang Tokyo bay noong 1853. Gawa sa bakal at may mga kanyon ang mga barko ng mga Amerikano. Dahil sa black ships, muling nagbukas ang Japan sa mundo.

 

Nguni’t hindi lang ito nangangahulugan ng pagpasok ng negosyo o kalakal mula sa ibang bansa, kundi nagsimula dito ang masigasig na paglabas ng mga Hapones upang alamin at pag-aralan ang makabagong teknolohiya sa Amerika at Europa. Dinala pauwi sa Japan ang mga bagong kaalaman at isinalin sa nihonggo upang mapag-aralan ng marami. Nagpatuloy ang pag-aaral at pagpapa-unlad ng kaalaman mula sa Kanluran nung 20th century.

 

Sa loob lamang ng 30 taon, meron na rin black ships ang Japan, at nanalo sa giyera sa dagat laban sa isang bansa sa Europa – ang Russia. Ito ang kauna-unahang panalo sa giyera ng isang Asyanong bansa laban sa isang bansang Europeo.

 

Sa loob lamang ng mga 70 taon (1868-1940), industrialized na ang Japan tulad ng Amerika at United Kingdom. Gumagawa na sila ng mga kotse, trak, bapor, eroplano, tren, at mga makina sa mga pabrika. Ang Nissan ay may modelo ng kotse na ini-export na sa ibang bansa nung 1930s.

 

Lahat ng ito ay nangyari dahil isinalin nila ang kaalaman mula sa Kanluran (Amerika at Europa) sa sariling wika at pag-iisip. Naging moderno sila pero nanatiling malakas pa rin ang kanilang pagiging Hapones. Kaya ang nangyari ay ganito: pagsasalin ng kaalaman sa sariling wika at pagkontrol sa kaalamang ito bilang sariling kaalaman. At mula dito, napaunlad pa ang kaalaman.

 

Dito ko naunawaan nang husto ang paliwanag sa akin ng isang Hapones sa isang Japanese booth sa international exhibition sa Maynila nung 1970s. Sabi niya, dina-digest namin ang kaalaman mula sa iba at saka gumagawa ng sariling bagay ayon sa digested na kaalaman. Ang mga Hapones ay natuto ng mga makabagong kaalaman sa nihonggo at saka nila pina-unlad ang kaalamang ito gamit ang nihonggo. Namamangha ako sa bookstores sa Japan na puno ng mga librong nakasulat sa kanji. Ganun din ang aking naramdaman nung una kong napasok ang isang bookstore sa Taipei nung 1980s – ang daming libro na nakasulat sa Chinese character! Meron palang ganun, buong bookstore punong-puno ng mga librong nasa sariling wika!

 

Ang karanasang ito ng Japan ay ginaya ng Korea tapos ng China. Lumago ang teknolohiya sa Korea at China na kakaiba sa Japan, sarili nilang pagbabago ng teknolohiya ang ginawa.

Gawang sarili

 

Kasabay nito ang pag-iisip na bansa muna bago ang international market. Mahalaga na maging mabuti ang produkto para sa local market. Ang mamimili sa bansa ay dapat mabigyan ng mahusay at mataas ng kalidad na mga produkto. Ang mga kababayan ang dapat unang nakakatikim ng ganda ng produkto.

 

Kaya’t iniisip ko na may karaparatang magmalaki ang mga Thais at Vietnamese sa sarili nilang produkto. Kung baga, sinasabi nila sa buong bansa na “atin ito at siguradong quality ang produkto.”

Mahalaga ang sariling palengke, mahalaga ang sariling kababayang mamimili.

 

Isang halimbawa ang mga kaldero na gawa sa Thailand. Matibay,  maganda ang pagkakagawa at hindi mahal ang mga kalderong binebenta sa Thailand noong 1980s. Makalipas ang maraming taon, ibinebenta na rin ito sa shopping mall sa Pilipinas. Isang local product sa Thailand na ngayon ay imported product sa Pilipinas.

 

Sana ay mas malakas sa Pilipinas ang pag-iisip na "gagalingan ko ang aking produkto dahil mahal ko ang aking mga mamimiling Pilipino dito sa aking sariling bansa." Sa imbes na pang-export, mas ginagalingan ang produkto dahil para ito sa local market. Local market muna bago ang iba. Ang mga quality products na mabibili ay hindi na dapat export surplus o export reject.

Halaga ng “tayo muna”

 

Napapansin ko rin na kapag gamit ang sariling wika parang mas maipagmamalaki ang mga bagay na gawa sa bansa. Mas mataas ang pagtingin sa produkto na gawang lokal. Sa atin, meron tayong sinasabing “Proudly Filipino.” Nung Pebrero 2024 pinirmahan ang batas tungkol dito – batas ng Tatak Pinoy. Suporta ito sa mga produkto na “Made in the Philippines.” Sa Vietnam, nakalagay mismo sa harap ng kanilang mga tindahan ang malaking signage na “Made in Vietnam.”

Shops in Hanoi, 2014

Shops in Hanoi, 2014

Sana sa batas ng Tatak Pinoy, hindi uunahin ang export (na may mas malaking kita para sa mga kompanya) kundi ang lokal na mamimili dahil mas maraming makakabenepisyo sa mga produktong may kalidad. Kung baga, tayo muna ang dapat magbigay ng halaga at makatamasa ng mga produktong gawa sa Pilipinas.

Tatak Pinoy signs

Nasabi sa akin ng isang kakilalang Hapones na nung nagtrabaho siya sa isang car factory sa Japan, sabi daw sa kanila na dapat ay maganda ang gawa nila ng kotse dahil para daw yun sa Japan. Maaaring sabihing bias ito na pabor sa mga Hapones, pero nagpapahiwatig din ito na pinahahalagahan ang lokal na mamimili.

 

Kung gumaganda ang kalidad ng mga produkto natin dahil sa local market, hindi na mahirap itong i-export pagdating ng tamang panahon.

 

Pag-unlad bilang Filipino

 

Ang pag-aaral at paggamit ng sariling wika ay hindi hadlang sa pag-unlad ng bansa. Ito ay pagbubuo ng isang bansa na nakatindig sa sariling kultura at kakayanan.

 

Mahalaga na binibigyan natin ng halaga ang sarili nating pagsisikap na makakatulong sa pag-unlad ng sariling hanap-buhay.

 

Hindi na maaalis ang ingles sa atin, pero mapapaunlad natin ang paggamit ng sariling wika na ikabubuti nating lahat.


Isang Araw sa Ating Buhay

ni Jeff Plantilla

January-February 2024

Left Behind

Meron akong schoolmates na ang apelyido ay Oba at Ishiwata at may kakilala ako na Tanaka naman. Nung 1970s at 1980s, hindi ko masyado iniisip na mga Japanese family names ang mga ito. Ngayon ko na lamang sila naiisip na kung titingnan ang kanilang mukha, mga Japanese nga.


Dahil sa paghahalo ng iba't-ibang lahi sa dugo ng mga Pilipino, karaniwan na lang sa atin ang makakita na Pilipinong maputi at singkitin. Sa aking pamilya mismo, may maputi at may hindi. Hindi pinagtatakhan ang mga kulay ng balat at hugis ng mata - pare-parehong Pilipino yan.


May mga istorya ang bawa't isa sa atin. At yan ay hindi lumalabas hanggang hindi natin hinahalukay at isinusulat para malaman ng iba. 


Pagsulat ng anak


Nabanggit ko na ang istorya ni Mommy Ishita ng Osaka sa column na ito ilang taon na ang lumipas. Nalaman ko ang istorya ni Mommy Ishita dahil sumulat ng manuscript (sa nihonggo) ang isa sa mga anak niya tungkol sa kanyang buhay. Gusto nung anak na malaman at maunawaan ng mga tao kung sino at kung ano ang nagawa ng kanyang mahal na ina.


Si Mommy Ishita ay nakapag-asawa ng isang Hapones na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas. Nung matapos ang giyera, pinapunta sa Japan ang asawa ni Mommy Ishita, kasama siya at ang panganay na anak. Daan-daang Japanese-Filipino families ang dumating sa Japan mula sa Pilipinas ng mga 1947.

 

Nguni't may istorya din si Mommy Ishita na hindi alam ng marami. Maliban sa siya ay nakapag-asawa ng Hapones, sumuporta din siya sa isang kilusan ng mga Pilipino na humihingi ng tulong sa Japan upang mapalaya ang Pilipinas sa pamamahala ng mga Amerikano.


Nung panahon ng Hapon (panahon ng World War II), sumama si Mommy Ishita sa kampanya sa paghikayat sa mga kapwa Pilipino na makipagtulungan sa mga Hapones.


Ipinaliwanag ng anak ni Mommy Ishita na tunay na mahal niya ang Pilipinas kaya siya ay pumanig sa mga Hapones laban sa mga Amerikano.


Naging active din si Mommy Ishita sa Osaka at Kobe sa mga activities ng mga Pilipino hanggang siya ay tumanda na. May involvement pa rin siya sa mga bagay-bagay tungkol sa mga Pilipino nung 1990s. Pumanaw si Mommy nung March 2019, sa edad na 101 taon.

 

Mga naiwang anak ng mga Hapones


Iba sa karanasan ni Mommy Ishita ang mga anak ng mga Hapones na naiwan sa Pilipinas. Kadalasan ay Pilipina ang kanilang ina na nagka-asawa ng Hapones. Ang iba sa mga naiwang anak ay nakaka-alala pa sa kanilang amang Hapones. Naturuan ang iba na magsalita ng nihonggo. Sila ay tinatawag na “Philippine Nikkei-jin.”


Nguni't ang kanilang ama ay naglaho na lamang, o inaresto ng mga sundalong Pilipino o Amerikano at pinauwi sa Japan o pinatay sa Pilipinas.

 

Meron sa kanila na hindi narehistro sa gobyerno, at naging stateless (walang citizenship). Ibig sabihin ay hindi sila itinuturing na Filipino citizens. Kailangan pang mag-apply ng stateless recognition sa ating Department of Justice para magkarecord sila sa gobyerno.


Pagbisita sa Japan


Marami sa mga naiwang anak ng mga Hapones ay matanda na, mga nasa 80s na. Gusto pa rin nilang makapunta sa Japan at maging Japanese citizens. Gusto nilang makita ang kanilang mga kamag-anak na Hapones.

 

Gusto rin nilang madala sa Japan ang kanilang mga anak at nang gumanda ang buhay.

 

Pero malaking problema sa kanilang personal records ang iba sa kanila. Kailangang mapatunayan na sila nga ay anak ng Hapones. Kung wala silang hawak na papeles ng kanilang relasyon sa amang Hapones, mahirap silang makilala bilang anak ng Hapones.

 

Halos 4,000 sila, at halos 1,500 ang nakakuha ng Japanese citizenship habang halos 900 ang hindi pa Japanese citizens dahil walang records na hawak o makuha. Nung 2021, halos 500 na lamang ang natitirang buhay sa mga hindi nakakuha ng Japanese citizenship.

 

Mabuti na lamang at may mga Hapones na tumutulong sa kanila para makakuha ng Japanese records tungkol sa kanilang ama. Marami sa mga naiwang anak ng Hapones ang natulungang maiayos ang mga records at nakarating na sa Japan. Merong hindi na makarating sa Japan dahil pumanaw na.

 

Kailan lamang ay nakabisita sa Japan ang dalawang Filipino nikkeijin, sina Samuel Akaiji (taga-Palawan) at Rosa Kanashiro (taga-Davao). Binisita nila ang kamag-anak nila at ang puntod ng kanilang ama sa Okinawa.


Nikkeijin News, No. 63, January 2024

(Philippine Nikkei-Jin Legal Support Center Inc., Tokyo)

 

Kahalagahan ng records


Mahalaga na ang ating buhay ay may record. Maraming bagay ang lumilinaw dahil sa record. Samantalang maraming istorya ang lumalabas kapag walang malinaw na record.

 

Sa panahon na halos lahat ng bagay ay may video at photo (gamit ang lumang digital camera o ang bagong smartphone o dahil sa napakaraming security cameras sa maraming lugar), mas mabilis nang malaman ang katotohanan. Medyo sumobra na rin ang iba na ang bawa’t galaw sa araw-araw ay may photo o video (at naka-post pa sa social media).

 

Sa ating pansariling interes, mahalagang may record ang mga mahahalaga at masasayang panahon sa ating buhay. Dahil sa photo o video, masarap balikan ang mga sandaling nagdudulot sa atin ng saya.