Back to HOME

ARANGKADA PINOY

Ni Yellowbelle Duaqui

 

Ang Pag-Gambaru sa Nihonggo

Noong kararating ko sa Japan isang taon na ang nakalipas, hindi pa ako nakakapagsalita ng Nihonggo – kahit man lang sa antas na tinatawag nilang “survival Japanese.”

Kaya napakahirap ng unang buwan ko rito. Noon ko naunawaan, mahirap pala ang maging bulag, pipi o bingi – dahil ganito pala ang sitwasyon ng isang dayuhan sa isang bagong lipunan lalo na kung hindi niya pa kabisado ang wika.

 

Para akong bulag, dahil hindi ko pa kayang basahin noon ang hiragana, katakana, at kanji. Dahil dito, kahit ang sariling pangalan ko sa katakana ay nakapanibago sa akin. Maging ang kanji ng aking tirahan ay hindi ko nasaulo agad, maging ang kanji ng mga eki na dapat kong puntahan. Hindi rin mabilang ang ilang beses na namali ako ng sakay ng tren o lumampas sa tamang babaan dahil lamang sa hindi ko mabasa ang mga kanji para sa mga lugar.

Parang pipi, dahil gustuhin ko mang magtanong sa mga Hapon, hindi ko magawa. Mabuti na lang may ilan akong kasalamuha sa araw-araw na mahusay sa Ingles dahil sila ang madalas kong napagtanungan.

At wari'y bingi, dahil hindi ko maunawaan ang sinasabi ng mga tao sa aking paligid.

 

Maliit ang mundo ko sa mga unang buwan ko dito sa Japan. Umikot ang buhay ko sa rutang kaikan-daigaku at kaikan-kyoukai kapag Linggo. Sa halip na libutin agad ang Tokyo, pinili kong seryosohin muna ang pag-aaral ng Nihonggo. Mapalad ako dahil mahusay ang pagtuturo ng Nihonggo sa Tokyo Gaikokugo Daigaku dahil ang kanilang kaguruan ay pawang mga dalubhasa sa pagtuturo ng wika.

Pagsapit ng natsu yasumi, lumakas ang aking loob na lumabas ng Tokyo. Nakarating ako sa Nagano Ken mag-isa kung saan ay nag-boluntir ako sa isang lugar-bakasyunan na kung tawagin ay “Mori no Ie” sa bayan ng Iiyama sa Nagano, na kilala bilang “Hometown of Japan.”  Kasama ng mga kawaning Hapon, nag-hiking kami sa gubat, naglinis ng mga log cabin, nagtabas ng mga damo sa paligid ng tambo (taniman ng soba), naglinis ng mga bangkang ginagamit ng mga okyaku sama sa pagka-kayak sa ilog ng Iiyama, at tulong-tulong na nagluto. Nagustuhan nila ang niluto kong adobo at bihon guisado para sa aming hapunan.

Sa loob ng limang araw, nanirahan ako sa isang lumang bahay na estilong Hapon. Nakabuti sa aking kalusugan ang paglalakad ng 15 minuto sa loob ng gubat upang marating ang Mori no Ie. Sa gabi, kasama ng isang bagong kaibigang Haponesa, naglibot kami sa Iiyama at kumain ng hapunan sa mga restorang naroroon at nagbabad sa onsen. Masarap pala sa pakiramdam ang pagbabad kahit saglit sa onsen pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho.

Sa karanasang ito, napraktis ko ang kakaunting nalalaman sa Nihonggo. Ngunit hindi naging madali ang prosesong ito - dahil higit na komplikado ang totoong interaksyon kesa sa natututunan sa libro. Kahit minsan ay hindi nila maunawaan ang aking paraan ng pagbigkas o ang aking sinasabi sa Nihonggo, nagampanan ko naman ang mga gawaing nakatoka sa akin. Higit sa lahat, naunawaan ko ang mga biruan na kadalasa'y nakasentro sa akin bilang bagong mukha roon tulad ng mga tanong kung mas masarap daw ba ang kanin ng Pilipinas o ang kanin ng Japan, kung mas maganda raw ba ang Japan kesa sa Pilipinas, kung mas marami raw bang pagkain sa Pilipinas kesa sa Japan, kung mas magaganda ba ang mga Pilipina kesa sa mga Haponesa, o kung gusto ko bang maligo sa onsen kasama nila. Sinikap kong sagutin ang mga tanong na 'yun sa pabirong paraan.

Ngunit alam kong hindi madaling hamon ang mag-aral ng isang panibagong wika, partikular na ang Nihonggo. Maraming Filipinong namumuhay sa Japan na ang Nihonggo ay pang-apat na nilang wika. Para sa mga lumaki sa Kamaynilaan, ito ay pangatlo pagkatapos ng Ingles at Tagalog. Para sa mga lumaki sa probinsya, nauuna ang wika ng probinsya o islang pinagmulan (Kapampangan, Ilocano, Hiligaynon, Cebuano, Chavacano), kasunod ang Tagalog at Ingles, at pang-apat na ang Nihonggo. Nakakabilib ang mga Filipino kung ang pag-uusapan ay ang kakayahang matuto ng isang bagong wika – at maging multilingual. Kapag natututo tayo ng isang bagong wika, kaya nating umangkop sa taal na hatsudon nito. Ang “cake”, halimbawa, ay talagang tunog-“cake” (“keyk” sa Tagalog) – at hindi “ke-ki.”

Sa panahon ng economic recession tulad ngayon, napapabalita ang pagkawala ng trabaho ng maraming dayuhang namumuhay dito sa Japan. Isa sa mga mahigpit na polisiya ng mga kumpanyang Hapon sa pagpapanatili ng mga empleyado sa panahon ng pagtitipid ay ang kakayahan sa Nihonggo ng mga dayuhang ito, o kakayahang maging bilingual. Ang mga bilingual, ika nga, ay “first to be hired” at “last to be fired” sa mga kumpanyang Hapon.

Sa kasalukuyan, ang pagiging seryoso sa pag-aaral ng Nihonggo dito sa Japan ay inaani sa maraming bagay, lalo na kapag ang isang tao ay nagbibenta na ng kanyang serbisyo sa job market. Bukod sa ito ay napakahalaga sa integrasyon ng isang tao sa isang bagong lipunan bilang isang kultural na kapital, isa rin itong ekonomikong kapital na tumutulong sa taong makuha ang kanyang pangangailangan sa lipunan.

Nihonggo no benkyou wa, gambatte kudasai!